Home OPINION KAPAG NAGBITIW SI VP SARA, TAPOS NA IMPEACHMENT?

KAPAG NAGBITIW SI VP SARA, TAPOS NA IMPEACHMENT?

100
0

ISA sa mga madalas na lumulutang na senaryo ngayon sa usapin ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ay ang posibilidad ng kanyang pagbibitiw sa pwesto. Para sa ilan, ito raw ang pinakamabilis na paraan upang matapos ang krisis pampulitika. Ngunit habang maraming nakatingin sa posibilidad ng resignation, tila may isang mahalagang tanong na hindi gaanong napag-uusapan. Paano kung habang nagpapatuloy ang impeachment proceedings ay mabakante naman ang posisyon ng Pangulo?

Sa ilalim ng Saligang Batas, malinaw ang nakasaad sa Article VII Section 8 na kapag nagkaroon ng death, permanent disability, removal from office, o resignation ng Pangulo, ang Vice President ang siyang hahalili upang tapusin ang natitirang termino. Walang nakasaad doon na hindi maaaring maging Pangulo ang Vice President dahil lamang sa may nakabinbing impeachment proceedings.

Dito ngayon nagiging komplikado ang usapin. Kung sakaling maging Pangulo si VP Sara habang tumatakbo ang impeachment case laban sa kanya bilang Bise Presidente, ano ang mangyayari sa proseso?

May mga nagsasabing maaari itong maging moot and academic dahil ang articles of impeachment ay isinampa laban sa kanya bilang Vice President. Ngunit may iba namang nagsasabing maaari pa rin itong ituloy dahil sa kaparusahang perpetual disqualification from public office na nakapaloob sa impeachment process.

Ayon sa Article XI Section 3 paragraph 7 ng Konstitusyon, ang hatol sa impeachment ay hindi lamang removal from office kundi maaari ring magresulta sa disqualification sa paghawak ng anomang posisyon sa gobyerno. Kaya kahit pa mawala siya sa dating pwesto, nananatili ang ligal na debate kung maaari pa ring ipagpatuloy ang kaso.

Ang totoo, wala pang malinaw na jurisprudence o direktang desisyon ang Korte Suprema na sumasagot sa ganitong kakaibang sitwasyon. Kaya habang maraming nagsusulong ng resignation bilang solusyon, dapat ding tanggapin na ang pulitika ay laging puno ng hindi inaasahang pangyayari.

Kaya nga, sa mga umaasang magreresign si VP Sara bilang pangalawang mataas na opisyal ng Pilipinas, mukhang kailangan ding paghandaan kapag nabakante ang pwesto ng Presidente sa kasagsagan ng impeachment process.

Mahaba pa ang laban at marami pang maaaring mangyari sa pulitika ng bansa, mga pangyayaring magiging bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas.

Ang impeachment ay hindi lamang laban ng magkakaibang kampo pulitikal. Isa itong usaping konstitusyonal na maaaring maging bahagi ng kasaysayan ng bansa. At habang nagpapatuloy ang bangayan, ang taumbayan ay naghihintay ng malinaw na direksyon, katatagan ng institusyon, at pamumunong inuuna ang bayan kaysa sariling kapakanan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here