MANILA, Philippines – Nagsimula nang lumikas nitong Linggo ang ilang grupo ng pasahero at crew ng cruise ship MV Hondius matapos ang outbreak ng hantavirus sa barko, sa isang operasyon na inaasahang magpapatuloy hanggang Lunes sa pangangasiwa ng mga pandaigdigang health authority.
Ang mga pasahero—na walang ipinapakitang sintomas ng sakit—ay isinakay sa military buses patungong Tenerife airport sa Canary Islands ng Spain, kung saan sila ililipat sa kani-kanilang bansa sa pamamagitan ng government-arranged flights. Ayon sa mga awtoridad, walang magiging contact ang mga evacuee sa publiko.
Inirerekomenda ng World Health Organization (WHO) ang 42-araw na quarantine para sa lahat ng pasahero ng barko simula Linggo.
Nauna nang umalis ang mga eroplano para sa mga pasaherong Spanish at French bago mag-1130 GMT. Ayon kay Spanish Health Minister Monica Garcia, susunod na ie-evacuate ang mga mamamayan ng Canada, Netherlands, United Kingdom, Turkey, Ireland at United States, habang ang Dutch flight ay magdadala rin ng mga pasahero mula Germany, Belgium at Greece. Inaasahan namang darating ang isang eroplano mula Australia sa Lunes para sakyan ang mga pasahero mula Australia, New Zealand at ilang bansa sa Asya.
Unang nadetect ang hantavirus noong Mayo 2, 21 araw matapos ang pagkamatay ng unang pasahero. Ayon sa mga health official, maaaring nahawa ang unang kaso bago pa sumakay sa barko, posibleng habang nasa Argentina o Chile, at ang pagkalat ay maaaring naganap na sa loob ng barko.
Ang virus na karaniwang mula sa mga daga ngunit bihirang naipapasa sa tao ay nagdulot na ng hindi bababa sa tatlong pagkamatay, kabilang ang isang mag-asawang Dutch at isang German national. Sa walong naitalang kaso, anim ang kumpirmadong may impeksyon.
Nasa Tenerife si WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus upang pangasiwaan ang evacuation, habang nakikipagtulungan ang WHO sa mga health authority ng Spain sa pagsusuri ng mga pasahero.
Itinuturing ng European public health agency na high-risk contacts ang lahat ng pasahero bilang pag-iingat, ngunit mababa umano ang panganib sa publiko.
Ayon sa health ministry ng Spain, walang natukoy na daga sa barko at napakabihira ng ganitong outbreak sa mga cruise ship.
Hindi makababa ang mga pasahero hangga’t hindi dumarating ang kanilang nakatakdang evacuation flights, habang 30 crew members ang mananatili sa barko upang dalhin ito sa Netherlands para sa disinfection. Dave Baluyot