MANILA, Philippines – Dalawang lalaki na pinaniniwalaang mga treasure hunter ang natagpuang patay sa loob ng malalim na hukay sa bayan ng Dagohoy, Bohol, ayon sa pulisya.
Kinilala ang mga biktima na sina Mar at Raymundo, na natagpuan sa magkaibang oras noong Biyernes, Mayo 8, matapos na hindi makabalik mula sa umano’y paghuhukay sa Barangay Poblacion. Patuloy namang pinaghahanap ang isa pa nilang kasama, ayon sa mga awtoridad.
Ayon kay Police Master Sgt. Gilrey Calvario ng Dagohoy Municipal Police Station, pansamantalang nanunuluyan sa lugar ang tatlong lalaki at umalis noong umaga ng Mayo 7 para sa kanilang aktibidad.
Nabatid na unang natagpuan si Raymundo bandang alas-5 ng umaga na wala nang buhay sa loob ng malalim na hukay, habang si Mar ay narekober bandang alas-5 ng hapon. Tinatayang aabot sa 100 metro ang lalim ng pinaghukayan.
Ayon sa paunang pagsusuri ng doktor, posibleng namatay ang mga biktima dahil sa suffocation o kakulangan ng hangin na dulot ng posibleng toxic gas sa loob ng hukay.
Narekober sa lugar ang mga bakanteng butane canister at isang generator na pinaniniwalaang ginamit sa paghuhukay at posibleng nagkaproblema habang nasa loob ng hukay.
Patuloy ang follow-up operation ng pulisya upang mahanap ang isa pang kasamahan ng mga biktima at matukoy ang buong pangyayari sa insidente. Mary Anne Sapico