Home NATIONWIDE Buong Maynila, media community nakiramay sa pagpanaw ni veteran journalist Boy Gonzales

Buong Maynila, media community nakiramay sa pagpanaw ni veteran journalist Boy Gonzales

110
0

MANILA, Philippines — Nagpahayag ng matinding pakikiramay ang Manila City Hall Press Club at ang buong lokal na pamahalaan ng Maynila sa pagpanaw ni Misael “Boy” Gonzales, isa sa mga kilalang mamamahayag at matagal nang tagapaghatid ng balita sa lungsod.

Pumanaw si Gonzales sa edad na 66.

Bukod sa pagiging beteranong mamamahayag, nagsilbi rin siyang adviser ng Manila City Hall Press Club, kung saan naging gabay at inspirasyon siya sa maraming miyembro ng media na nagko-cover sa pamahalaang lungsod ng Maynila.

Sa inilabas na pahayag ng Manila City Hall Press Club, kinilala si Gonzales bilang isa sa mga haligi ng pamamahayag sa Maynila dahil sa kaniyang dedikasyon, tapang, at malasakit sa paghahatid ng tama at makabuluhang impormasyon sa publiko.

Ayon sa grupo, hindi matatawaran ang naging ambag ni Gonzales sa larangan ng media, lalo na sa pagbibigay-boses sa mga ordinaryong mamamayan at pagbabantay sa mahahalagang usapin na may kinalaman sa lungsod ng Maynila.

Nagpahayag din ng pakikiramay ang buong lokal na pamahalaang lungsod sa pamumuno ni Isko Moreno Domagoso sa pagyao ni “Kuya Boy” Gonzales, na kinilala bilang isa sa mga mamamahayag na tunay na nagpakita ng pagmamahal sa Maynila.

Ayon sa City Hall officials, ipinakita ni Gonzales ang kaniyang malasakit sa lungsod sa pamamagitan ng kaniyang mga ulat bilang radio reporter ng DZRH at bilang isang social media content creator na patuloy na naghahatid ng impormasyon at mga kaganapan tungkol sa Maynila.

Maging ang pamunuan ng National Press Club of the Philippines ay nagpahayag din ng pakikiramay sa pamilya at mga naulila ni Gonzales. Nakiramay rin ang libo-libong followers at tagasuporta niya sa social media, kung saan marami ang nagpahayag ng lungkot at pagpupugay sa tinaguriang “Legendary Kuya Boy Gonzales.”

Inilarawan si Gonzales bilang isang respetado at tapat na mamamahayag na nagsilbing inspirasyon at huwaran sa maraming kasapi ng media industry.

Samantala, patuloy namang nakikiisa ang mga kasamahan niya sa media, mga opisyal ng lungsod, at mga tagasuporta sa panalangin para sa kapayapaan ng kaniyang kaluluwa at sa pagbibigay-lakas sa kaniyang naiwang pamilya at mga mahal sa buhay. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here