MANILA, Philippines – Naitala ng lahat ng mga monitoring areas sa Metro Manila ang “good” na kalidad ng hangin para sa fine particulate matter (PM2.5), isang buwan matapos ang sunog sa Navotas Sanitary Landfill, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong Linggo, Mayo 10.
Batay sa datos ng alas-12 ng tanghali, sinabi ng DENR na ang Air Quality Index (AQI) sa buong Metro Manila ay nananatili sa “good” category, na tumutukoy sa AQI level na 0 hanggang 50 na indikasyon ng minimal o walang panganib sa kalusugan ng publiko.
Sa mga lugar na minonitor, nanguna ang Valenzuela City na may AQI na 46, kasunod ang Malabon City na may 44, ngunit parehong nasa “good” classification pa rin. Nagtala rin ng mas mababang readings ang ibang lugar tulad ng Makati at Pateros na may 26, Marikina CEMO at Quezon City-Ateneo na may 26, Marikina-Parang na may 25, Mandaluyong at San Juan City na may 23, Caloocan (North) na may 20, Muntinlupa na may 18, Parañaque at Pasay na may 15, at Taguig na may 11.
Ayon sa DENR, malaki ang ipinagbago ng kalidad ng hangin kumpara sa mga sumunod na araw matapos ang insidente. Noong Abril 19, apat lamang na lungsod sa Metro Manila ang nakapagtala ng “good” hanggang “fair” na antas ng hangin, habang karamihan ay nasa “unhealthy” hanggang “acutely unhealthy” matapos ang sunog sa Navotas Sanitary Landfill.
Sa naturang petsa, nagtala ang Makati ng “good” AQI na 30, habang ang Taguig ay may 50 AQI na nasa “good” din. Samantala, ang Muntinlupa at Mandaluyong ay nasa “fair” level na may 66 at 68 AQI, ayon sa datos.
Noong Abril 10, sumiklab ang sunog sa Navotas Sanitary Landfill na nagdulot ng ilang linggong usok at pagtaas ng PM2.5 levels sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Nauna nang sinabi ni DENR Secretary Juan Miguel Cuna na nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa Office of the Solicitor General upang pag-aralan ang posibleng legal na hakbang kaugnay ng operasyon ng landfill, at nakapagsumite na rin ng mga dokumento para sa pagsusuri. Santi Celario