MANILA, Philippines – Tinatayang 60 pamilya o humigit-kumulang 180 indibidwal ang nawalan ng tirahan matapos sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Parañaque City noong Linggo ng hapon, Mayo 10.
Ayon kay SFO3 Giovanni Corbes, arson investigator ng Parañaque Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog bandang 12:05 p.m. sa isang dalawang-palapag na bahay na pag-aari ni Ramon Ebrada sa Sta. Cecilia Street, Sta. Maria Valley I sa Barangay San Antonio.
Mabilis na kumalat ang apoy sa mga kalapit na bahay at nakaapekto sa humigit-kumulang 30 kabahayan.
Umabot sa second alarm ang sunog ng 12:11 p.m. at itinaas sa third alarm ng 12:24 p.m. Tuluyang naapula ang apoy ng 2:12 p.m.
Tinatayang aabot sa P150,000 ang pinsala sa ari-arian ayon sa BFP. Walang naiulat na sugatan sa insidente.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog. Dave Baluyot