MANILA, Philippines – Pinalakas ng mga awtoridad sa paliparan at pantalan sa bansa ang border screening upang maiwasan ang pagpasok ng hantavirus sa Pilipinas, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Lunes.
Kasabay ito ng internasyonal na monitoring sa naiulat na hantavirus outbreak na konektado sa MV Hondius, isang barkong naglakbay mula Ushuaia patungong Cape Verde. Ang hantavirus ay sakit na nagmumula sa mga daga at maaaring maipasa sa tao, na may sintomas na lagnat, pagkapagod, at pananakit ng kalamnan.
Ayon sa DOH sa isang video message, nakikipag-ugnayan ang ahensya sa World Health Organization, Bureau of Quarantine (BOQ), at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) upang bantayan ang sitwasyon.
Bago makapasok sa bansa, kinakailangang sumagot ang mga pasahero sa health declaration sa pamamagitan ng eGovPH app kung saan ilalagay ang kanilang travel history at posibleng sintomas. Sa pagdating, isinasailalim sila sa screening ng BOQ personnel gamit ang infrared thermal scanners para sa posibleng lagnat.
Ang mga pasaherong mula sa mga bansang naka-flag o may sintomas ay agad na dadalhin sa BOQ office para sa mas masusing pagsusuri kabilang ang travel at exposure history at physical examination. Ang mga makikitang may sakit ay ililipat sa isolation facilities at DOH hospitals tulad ng RITM para sa gamutan at monitoring.
Sinabi rin ng DOH na handa itong magsagawa ng laboratory testing sa 38 Pilipinong crew ng MV Hondius pagbalik ng mga ito sa bansa, kasabay ng kanilang anim na linggong quarantine sa Netherlands.
Nauna nang nilinaw ng DOH na wala pang naitatalang kaso ng hantavirus sa Pilipinas sa taong 2026. Jocelyn Tabangcura-Domenden