MANILA, Philippines – Ipinagdiwang ng Pilipinas at ng Holy See ang ika-75 anibersaryo ng kanilang ugnayang diplomatiko nitong Biyernes sa pamamagitan ng isang Eucharistic celebration sa Santuario di San Giovanni Battista De La Salle sa Rome, na muling nagpatibay sa kanilang iisang paninindigan para sa kapayapaan, katarungan, at dignidad ng tao.
Pinangunahan ang Misa ni Vatican Secretary of State Cardinal Pietro Parolin, na binigyang-diin ang makasaysayang ugnayan na pormal na itinatag noong Abril 8, 1951, sa panahon ng pontificate ni Pope Pius XII at ng pagkapangulo ni Elpidio Quirino.
Inilarawan ni Parolin ang relasyon bilang pinatatag ng paggalang sa isa’t isa, ugnayang panrelihiyon, at diplomatikong pakikipag-ugnayan, kabilang ang mga pagbisita ng Santo Papa sa Pilipinas, pagbisita ng mga pangulo ng Pilipinas sa Vatican, at ang kasunduan noong 2008 hinggil sa cultural heritage ng Simbahang Katoliko.
Binigyang-diin niya na nananatiling mahalagang instrumento ng diplomasya ang dayalogo upang maiwasan ang hidwaan.
Dumalo sa pagdiriwang sina Philippine Ambassador to the Holy See Raphael Lotilla at Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, na kasabay ding paggunita sa ika-65 anibersaryo ng Pontificio Collegio Filippino sa Rome.
Tampok sa selebrasyon ang paglulunsad ng commemorative postage stamp na nagtatampok sa St. Peter’s Basilica, isang perlas na sumasagisag sa Pilipinas bilang “Pearl of the Orient Seas,” at ang mga watawat ng dalawang bansa.
Inilunsad ang selyo nina Cardinal Parolin at Archbishop Emilio Nappa, secretary general ng Governorate of Vatican City State, kasama sina Lazaro at Lotilla. Jocelyn Tabangcura-Domenden