MANILA, Philippines – Kabilang ang pagkahimatay o pagkawalan ng malay, heat rash at kidney injury sa limang karagdagang heat-related conditions na maaaring maging kwalipikado para sa kompensasyon sa ilalim ng pinalawak na guidelines na inilabas ng Employees’ Compensation Commission (ECC) sa gitna ng banta ng El Niño.
Ayon kay ECC Executive Director Kaima Velasquez, naglabas sila ng resolusyon na muling nagpapatibay sa saklaw ng mga sakit na may kaugnayan sa init, habang kinikilala rin ang mga bagong heat-related na karamdaman na maaaring maranasan ng mga manggagawang nagtatrabaho sa labas at nalantad sa matinding temperatura.
Dati, tatlong kondisyon lamang ang kinikilala ng ECC na maaaring bayaran — heat stroke, heat cramps, at heat exhaustion — kung maiuugnay sa labis na init sa trabaho.
Ang limang karagdagang kondisyon ay ang heat syncope o pagkahilo at pagkahimatay; heat rash o bungang araw; rhabdomyolysis o pinsala sa kalamnan; dehydration na nauuwi sa kidney injury; at neurological disorders.
Nilinaw ng ECC na hindi awtomatikong kwalipikado ang lahat ng kaso.
Kailangang patunayan na work-related ang sakit, batay sa uri ng trabaho, kondisyon sa workplace, tagal at tindi ng exposure sa init, at mga hakbang na pang-proteksyon.
Maaaring gamitin bilang supporting evidence ang heat index data mula sa PAGASA.
Samantala, nagmumungkahi ang Department of Labor and Employment ng apat na heat-index alert levels para sa delivery riders, mula sa pagbibigay ng tubig at pahingahan sa 27°C hanggang 32°C, hanggang sa suspensyon ng outdoor deliveries kapag umabot na sa 52°C pataas. Jocelyn Tabangcura-Domenden