Bulacan – Arestado ang dalawang indibiduwal matapos umanong mahulihan ng ₱2,040,000.00 halaga ng iligal na droga sa buy-bust operation ng mga awtoridad sa bayan ng Pulilan nitong hapon ng Mayo 10.
Sa ulat ni PCPT Marc Henry SJ Gonzales, hepe ng DRT police station, kinilala ang mga suspek na sina alyas “Odin”, 48, businessman, at alyas “Neneng”, 56, businesswoman, kapwa residente ng Brgy. Barangka, Baliwag.
Ayon sa ulat, ikinasa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Doña Remedios Trinidad (DRT) Police Station, Pulilan Police Station, at Provincial Drug Enforcement Unit bandang 3:00 ng hapon sa Brgy. Cutcot, Pulilan.
Nabatid na nakumpiska mula sa mga suspek ang buy-bust money, 12 piraso ng boodle money, kahon ng Royce Potato Chip Chocolate na pinaglagyan ng droga, berdeng Toyota Vios, at tinatayang 300 gramo ng hinihinalang shabu na nasa halagang ₱2,040,000.00.
Sinasabing ang mga naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa DRT Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
“Patuloy nating paiigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga upang maprotektahan ang mamamayan laban sa masamang epekto nito. Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng matatag na koordinasyon ng ating kapulisan at ng iba’t ibang law enforcement agencies para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan ng Bulacan,” ani PCOL Jay Baybayan, Officer-in-Charge ng Bulacan Police Provincial Office. (Dick Mirasol III)