Home NATIONWIDE Sigawan sa Senado: Kiko, sasampahan ng ethics complaint ni Binoe

Sigawan sa Senado: Kiko, sasampahan ng ethics complaint ni Binoe

73
0

MANILA, Philippines — Nauwi sa tensyon ang sesyon sa Senado nitong Martes, Mayo 12, matapos ihayag ni Senador Robinhood Padilla ang planong paghahain ng ethics complaint laban kay Senador Francis Pangilinan kasunod ng mainitang pagtatalo sa plenary session kaugnay ng usapin ng International Criminal Court (ICC) arrest warrant laban kay Senador Ronald dela Rosa.

Sa sesyon, kinuwestyon ni Padilla kung may patakaran bang nagpapahintulot sa mga senador na sigawan ang kanilang kapwa mambabatas matapos ang umano’y pagsigaw sa gitna ng diskusyon.

“Gusto ko lang ireklamo si Senator Pangilinan sa pagsigaw. Meron po ba sa rules natin na sinasabi na pwede mong sigawan ang kapwa mo senador?” pahayag ni Padilla.

Dahil dito, pansamantalang sinuspinde at kalaunan ay tinapos ang sesyon.

Sa panayam, sinabi ni Padilla na maghahain siya ng pormal na reklamo sa Senate Ethics Committee kung hindi hihingi ng paumanhin si Pangilinan sa plenaryo. Tumanggi rin siyang makipagkamay kay Pangilinan habang naka-suspinde ang sesyon.

“Hindi ko matatanggap ‘yung natural ang sigawan. Not me. Sila kung gusto nila magsigawan sila. Hindi ako kasama dun,” ani Padilla.

“Mag-apologize siya. Kailangan sa plenary niya gawin, kasi sa plenary niya ko sinigawan eh,” dagdag pa niya.

Sa panig naman ni Pangilinan, sinabi niyang maghihintay siya sa pormal na reklamo bago sumagot, at iginiit na karaniwan at hindi maiiwasan ang pagtataas ng boses sa mainit na talakayan sa plenaryo.

“Yung pagtataas ng boses sa mainit na debate ay hindi man kagustuhan at hindi naiiwasan at malimit na nangyayari sa plenaryo. Kung laban sa ethics yun, marami na sanang mga senador ang sinampahan at pinarusahan. Zero cases,” ayon sa post ni Pangilinan sa Facebook.

Dagdag pa niya, maaari rin siyang magsampa ng kontra-reklamo dahil sa umano’y pagbabanta at pananakot sa kanya sa gitna ng kanilang sagutan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here