Home NATIONWIDE Balik-ICC ng Pinas, wala pa sa isip ni PBBM

Balik-ICC ng Pinas, wala pa sa isip ni PBBM

55
0

MANILA, Philippines — Sinabi ng Malacañang na hindi pa isinasaalang-alang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang muling pagsali ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC), ngunit nananatiling bukas ang administrasyon sa posibleng pag-aaral nito sa hinaharap.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nananatili ang posisyon ng Pangulo, ngunit hindi nito isinasara ang posibilidad ng pag-review sa usapin.

“Ang huli niyang sinabi ay hindi pa po magri-rejoin. So, kung kinakailangan po sigurong aralin sa mga susunod na araw ay hindi naman po sarado ang Pangulo diyan,” pahayag ni Castro.

Matatandaang umatras ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng imbestigasyon ng ICC sa kampanya kontra ilegal na droga ng kanyang administrasyon.

Muling lumutang ang isyu ng ICC kasabay ng diskusyon hinggil sa posibleng pagpapatupad ng arrest warrant laban kay Senador Ronald dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police sa ilalim ng drug war ni Duterte.

Nilinaw ni Castro na bagama’t hindi na kinikilala ng Pilipinas ang hurisdiksyon ng ICC bilang miyembrong estado, patuloy na ipinatutupad ng bansa ang Republic Act 9851 o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity.

Ayon sa kanya, may mga mekanismo ang batas para sa surrender o extradition kaugnay ng mga international tribunal, at nananatiling utos ng Pangulo sa mga law enforcement agencies ang pagsunod sa umiiral na batas.

“Ang lagi naman pong utos ng Pangulo sa lahat ng enforcement agencies… dapat lamang ay sumunod kung ano ang sinasabi ng batas,” ani Castro.

Dagdag pa niya, may hangganan ang parliamentary privilege, kaugnay ng usapin sa protective custody ng Senado kay Dela Rosa, at binigyang-diin na may obligasyon din ang pamahalaan sa mga sinasabing biktima ng extrajudicial killings. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here