MANILA, Philippines – Nagbabala ang pamahalaan ng Australia sa mga mamamayan nito na posibleng magkaroon ng pag-atake ng terorismo saanman sa Pilipinas habang muling pinaiigting ang travel advisory laban sa pagbiyahe sa ilang bahagi ng Mindanao dahil sa umano’y “napakataas na banta ng terorismo.”
Sa updated advisory na inilabas sa Smartraveller website noong Mayo 12, sinabi ng Australia na posibleng puntiryahin ng mga terorista ang mga paliparan, pampublikong transportasyon, hotel, mall, restoran, mga lugar sambahan, tourist spots, at malalaking pampublikong aktibidad.
“Terrorist attacks could occur in the Philippines,” ayon sa Australian Embassy in the Philippines sa Facebook post nito.
Pinayuhan din ng Canberra ang mga Australian na muling ikonsidera ang pagbiyahe sa eastern Mindanao, maliban sa Camiguin, Dinagat Islands, at Siargao, habang ipinayo naman na huwag bumiyahe sa iba pang lugar sa Mindanao.
Binanggit din ng Australia ang tumitinding pandaigdigang banta sa seguridad kaugnay ng tensyon sa Middle East.
“The risk of terrorism linked to the situation in the Middle East may escalate worldwide,” ayon sa advisory.
“There’s growing concern about increased risk of attacks on Israeli and US interests globally and on Jewish communities, including in the Philippines,” dagdag pa nito.
Pinayuhan din ang mga Australian na “exercise a high degree of caution” sa buong Pilipinas dahil sa banta ng terorismo at marahas na krimen.
Nagbabala rin ang Australia sa mga dayuhan laban sa pagsali sa mga protesta at rally sa bansa dahil maaari umano silang maaresto at ma-deport.
“It’s against the law for foreigners to join public demonstrations. You may be arrested and deported if you participate,” ayon sa advisory.
Bukod dito, pinayuhan din ang mga biyahero na gumamit lamang ng accredited rideshare services o transportasyong inayos ng hotel upang maiwasan ang scam at nakawan. Nagbabala rin ito sa polusyon sa hangin sa Metro Manila na maaaring magdulot ng problema sa paghinga. Dave Baluyot