MANILA, Philippines – Muling isasailalim ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Yellow Alert ang Visayas grid mula alas-5 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi ngayong Miyerkules, Mayo 13, 2026.
Ayon sa NGCP, umabot sa 2,580 megawatts (MW) ang available capacity habang nasa 2,423 MW naman ang peak demand sa kuryente.
Kabilang sa dahilan ng Yellow Alert ang forced outages ng ilang coal-fired power plants tulad ng TVI Units 1 at 2 at PEDC Unit 3, pati na rin ang mataas na demand sa kuryente dahil sa mainit na panahon.
Mayroon ding kabuuang 857.2 MW na hindi available dahil sa outages at derated operations ng ilang planta sa Visayas grid.
Ang Yellow Alert ay nangangahulugang mababa ang reserbang suplay ng kuryente at may posibilidad ng power interruption kapag may biglang pumalyang planta o transmission line. RNT/MND