MANILA, Philippines – Ikinaila ng legal counsel ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na si Atty. Israelito Torreon ang mga alegasyong “diversion tactic” umano ang nangyaring pamamaril sa Senado upang makalabas ang senador.
Ayon kay Torreon, nananatili pa rin sa loob ng gusali ng Senado si Sen. Dela Rosa at nagpakita pa siya ng digital na ebidensya kabilang ang mga video at larawan na kuha bandang 12:13 a.m., na nagpapakita na nasa loob pa rin ang senador.
Sa pakikipag-usap sa media bandang hatinggabi, mariin niyang itinanggi ang mga paratang ng planadong pagtakas sa gitna ng kaguluhan.
“Ito kasi yung crime scene,” ani Torreon habang ipinapakita ang mga larawan sa kanyang telepono. “So fake news yung mga diversion-diversion [tactic], di po totoo yan.”
Nang tanungin kung nakalabas ba si Dela Rosa sa gitna ng insidente, sagot niya: “Ang dami naming pictures. Gusto mo makita?”
Dagdag pa niya, wala umanong balak umalis sa Senado ang senador. “He has never left the Senate premises all along.”
Sinabi rin ni Torreon na personal na nagtungo sa Senado si Department of the Interior and Local Government (Department of the Interior and Local Government) Secretary Jonvic Remulla upang pangasiwaan ang clearing operation matapos ang insidente.
“He personally conducted a clearing operation with the new Senate President,” ayon kay Torreon, na naglarawan ng masusing inspeksyon sa gusali.
Ibinahagi rin niyang nakipagkamay siya kay Remulla, ngunit hindi niya matiyak kung nakausap nito si Dela Rosa.
Sa kabila ng mga panawagang lisanin ang Senado upang hindi na lalong lumala ang sitwasyon, iginiit ng kampo ng senador na mananatili siya sa loob sa ilalim ng Senate Protection Resolution na ipinalabas ng bagong mayorya. Santi Celario