Home NATIONWIDE Shellfish ban sa baybayin ng Daram, Samar, itinaas ng BFAR

Shellfish ban sa baybayin ng Daram, Samar, itinaas ng BFAR

60
0

MANILA, Philippines – Nagpatupad ng shellfish ban ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa baybayin ng Daram, Samar matapos makumpirma ang presensya ng nakalalasong red tide sa pamamagitan ng laboratory test.

Ayon sa abiso ng BFAR nitong Miyerkules, ipinagbabawal ang pagkuha, pagbebenta, at pagkain ng anumang uri ng shellfish, kabilang ang maliliit na hipon o alamang, sa apektadong lugar.

Nakasaad sa ulat na positibo sa red tide toxins ang seawater samples sa Daram kaya isinama ito sa national shellfish bulletin kasama ang iba pang apektadong baybayin sa bansa.

Nauna na ring nagpatupad ng kaparehong pagbabawal sa Matarinao Bay na sumasaklaw sa mga bayan ng General MacArthur, Quinapondan, Hernani, at Salcedo sa Eastern Samar matapos ding magpositibo sa red tide ang shellfish at seawater samples.

Nilinaw ng BFAR na ligtas kainin ang isda, pusit, hipon, at alimango mula sa apektadong lugar basta sariwa at maayos na nalinis, kabilang ang pagtanggal ng lamang-loob bago lutuin.

Nagbabala ang ahensya na maaaring magdulot ng paralytic shellfish poisoning ang pagkain ng kontaminadong shellfish na maaaring mauwi sa kamatayan.

Kabilang pa sa national shellfish bulletin ang Dumanquilas Bay sa Zamboanga del Sur, coastal waters ng Bolinao at Anda sa Pangasinan, at Tantangan Bay sa Zamboanga Sibugay.

Ayon sa BFAR, ang red tide ay kadalasang naiuugnay sa malalakas na pag-ulan na nagdadala ng nutrient-rich runoff na nagpapasigla sa pagdami ng mapanganib na algae. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here