Home TOP STORIES Liderato ng Senado, ugat ng lumalalang krisis – Goitia

Liderato ng Senado, ugat ng lumalalang krisis – Goitia

69
0

IGINIIT ni Dr. Jose Antonio Goitia, Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), na hindi aksidente ang nangyaring kaguluhan sa Senado at mas malalim umano ang pinagmulan nito kaysa sa mga unang lumabas na ulat.

Ayon kay Goitia, matagal nang umiinit ang sitwasyon dahil sa umano’y patuloy na pagkanlong kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa upang maiwasan ito sa pananagutan.

Aniya, maling agad na ituro ang administrasyon bilang may pananagutan sa nangyaring tensyon.

Sa halip, sinabi niyang dapat umanong suriin ang papel ng kasalukuyang liderato ng Senado sa ilalim ni Alan Peter Cayetano at ng mga kaalyadong senador na umano’y nagpalala sa sitwasyon sa loob ng institusyon.

“Hindi nagsimula ang lahat sa putukan. Nagsimula ito noong ginawang kanlungan ang Senado para sa mga gustong umiwas sa pananagutan sa halip na panatilihin itong institusyong gumagalang sa batas,” pahayag ni Goitia.

Binigyang-diin din niya na nakababahala umano ang mabilis na pagsisi ng ilang grupo sa Malacañang kahit hindi pa malinaw ang buong detalye ng insidente. Ito ay matapos tahasang itanggi ng Pangulo ang anumang partisipasyon ng gobyerno at ipag-utos ang agarang imbestigasyon.

“Kalma, transparency, at pag-alam sa katotohanan ang unang naging tugon ng Pangulo. Hindi ganyan kumilos ang lider na gustong magpasiklab ng kaguluhan,” dagdag niya.

Tinukoy rin ni Goitia ang umano’y mabilis na pagbuo ng ilang naratibo habang nagpapatuloy pa ang kaguluhan sa Senado.

“Hindi mo puwedeng gawing proteksiyon ang Senado para sa isang taong umiiwas sa pananagutan, tapos magtataka kapag lumala ang sitwasyon,” aniya.

Samantala, pinuna rin niya ang naging pahayag ni Imee Marcos hinggil sa umano’y direktang utos ng Pangulo na arestuhin si dela Rosa “at all costs,” na ayon sa kanya ay maaaring makapagpalala sa tensyon at pagkakahati-hati ng publiko.

“Delikado ang basta pagbibitaw ng mabibigat na akusasyon nang walang malinaw na ebidensiya. Sa ganitong sitwasyon, puwedeng lalo nitong palalain ang takot at pagkakahati-hati ng publiko,” ani Goitia.

Ayon pa sa kanya, hindi rin dapat isantabi ang posibilidad na ginagamit umano ang sitwasyon bilang propaganda upang makakuha ng simpatiya at mapanatili ang proteksiyon para kay dela Rosa sa loob ng Senado.

“Hindi ang executive branch ang nagtulak sa Senado sa ganitong kaguluhan. May mga lider sa loob mismo ng institusyon na piniling unahin ang pagprotekta sa kaalyado kaysa panatilihin ang kaayusan at respeto sa batas,” saad niya.

Nagbigay rin ng pagkilala si Goitia sa mga mamamahayag at media personnel na patuloy na nag-uulat sa kabila ng tensyonadong sitwasyon sa Senado.

“Kapag maingay at magulo ang paligid, ang media ang tumutulong para manatiling malinaw ang katotohanan. Saludo kami sa inyong serbisyo sa bayan,” aniya.

Sa huli, sinabi ni Goitia na hindi na umano basta naniniwala ang publiko sa mga naratibo ng mga politiko.

“Hindi bulag ang taumbayan. Nakikita nila kung sino ang nagpapalala ng tensyon at gumagamit sa mga institusyon para sa pansariling interes. Kapag ganito ang pulitika, ang nawawala ay tiwala ng publiko at katatagan ng bansa,” pagtatapos niya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here