MANILA, Philippines – Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapatupad ng pansamantalang price ceiling na P50 kada kilo sa imported rice sa gitna ng pagtaas ng presyo at umano’y pang-aabuso sa merkado na dulot ng global supply disruptions, kabilang ang tensyon sa Middle East.
Sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 118, ang imported rice na may 5-percent broken content ay hindi dapat lalampas sa P50/kg sa loob ng 30 araw.
Ang kautusan ay batay sa rekomendasyon ng National Price Coordinating Council (NPC) para mapatatag ang suplay at maiwasan ang labis na pagtaas ng presyo.
Binanggit din sa EO ang Republic Act No. 7581 o Price Act, na nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na magpatupad ng price controls sa mga pangunahing bilihin sa kaso ng hoarding, profiteering, at market manipulation, gayundin ang Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act of 2024.
Tinukoy din ang state of national energy emergency sa ilalim ng Executive Order No. 110 dahil sa patuloy na tensyon sa Middle East na nakaapekto sa global supply chains at presyo ng mga bilihin.
Inatasan ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) na ipatupad ang price ceiling at bantayan ang hindi normal na galaw ng presyo.
Inatasan din ang Bureau of Customs na paigtingin ang kampanya laban sa smuggling at ilegal na importasyon ng bigas, kabilang ang pagsamsam ng mga iligal na produkto kung kinakailangan.
Inatasan ang Philippine Competition Commission kasama ang DTI at DA na aksyunan ang kartel at anti-competitive practices, habang ang mga law enforcement agency kabilang ang Philippine National Police ay pinakikilos din upang tumulong sa pagpapatupad.
Agad na ipatutupad ang kautusan matapos mailathala sa Official Gazette o sa pahayagang may malawak na sirkulasyon. Santi Celario