BULACAN, Philippines – Arestado ang 16 indibiduwal habang nakahuli ng halos P1 milyong halaga ng iligal na droga sa magkakahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa lalawigang ito nitong Mayo 13.
Sa ulat ni PLTCOL Mark Louie Sigua, hepe ng Santa Maria police station, kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “Payo”, 29, residente ng Brgy. Lambakin at alyas “Michelle”, 28, ng Brgy. Poblacion 1, na kapwa itinuturing na High Value Indibiduals (HVI).
Ayon sa ulat, naaresto ang mga suspek nang magbenta ng hinihinalang shabu sa undercover na pulis bandang 3:05 ng hapon sa Brgy. Camangyan.
Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 55 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na P374,000.00, marked money, tatlong sachets ng hinihinalang shabu at coin purse.
Samanta, sa ulat naman ni PLTCOL Jordan Santiago hepe ng Marilao police station, kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Yana”, 28, residente ng Brgy. Lambakin.
Naaresto ang suspek nang magbenta umano ng hinihinalang shabu sa undercover na pulis bandang 4:50 ng hapon sa Northville 4, Brgy. Lambakin.
Nasamsam sa suspek ang tinatayang 50 gramo ng hinihinalang shabu na may SDP na P340,000.00 kabilang ang 11 sachets ng hinihinalang shabu, brown wallet at P1,000 marked money.
Kaugnay nito, base sa mga ulat ng Meycauayan, Norzagaray, San Miguel, San Jose Del Monte, San Ildefonso, Calumpit at Obando police station, nasa 13 pang indibiduwal ang nahuli sa kanilang operasyon kontra ilegal na droga na nakumpiska ng 46 sachets ng hinihinalang shabu na may halagang P219,844.00 at buy-bust money.
Ang lahat ng mga nadampot na suspek ay nasa kustodiya ng mga istasyong humuli sa kanila at nahaharap sa kaukulang kaso.
Sinabi ni PCOL Jay Baybayan, Officer-in-Charge ng Bulacan Police Provincial Office na ang walang-humpay na kampanya laban sa ilegal na droga ay upang mapigilan ang pagkalat nito at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigang ito. (Dick Mirasol III)