INDIA – Aabot sa 96 katao ang nasawi at mahigit 50 ang nasugatan matapos manalasa ang dust storms, malakas na ulan, at kidlat sa hilagang India, ayon sa mga awtoridad nitong Huwebes.
Isa sa pinakaapektado ang estado ng Uttar Pradesh, ang may pinakamalaking populasyon sa bansa, matapos tumama ang bagyo sa iba’t ibang distrito nitong Miyerkules ng gabi.
Ayon sa mga opisyal, kabilang sa sanhi ng pagkamatay ang pagbagsak ng mga puno, pagguho ng mga istruktura, at tama ng kidlat. Malawak din ang pinsala sa mga bahay, pananim, at imprastraktura ng kuryente, lalo na sa mga liblib na lugar.
Nagpadala ng emergency response teams sa mga apektadong distrito upang alisin ang mga debris at buksan muli ang mga kalsada at riles na nabara dahil sa mga bumagsak na puno.
Iniatas ni Uttar Pradesh Chief Minister Yogi Adityanath sa mga awtoridad na tapusin ang relief operations sa loob ng 24 oras at tiyakin ang tulong at kompensasyon para sa mga apektadong pamilya.
Karaniwan ang ganitong mga bagyo sa hilagang India tuwing mainit na panahon mula Marso hanggang Hunyo bago dumating ang tag-ulan. Dave Baluyot