Home NATIONWIDE May bonus na! Kuwalipikadong gov’t employees, kukubra simula May 15 – DBM

May bonus na! Kuwalipikadong gov’t employees, kukubra simula May 15 – DBM

83
0

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) na sisimulan nang tanggapin ng halos dalawang milyong government workers sa buong bansa ang kanilang midyear bonus simula Biyernes, Mayo 15.

Ayon sa DBM, kabuuang P73.456 bilyon ang inilaan para sa 2026 midyear bonus na sasaklaw sa mga kwalipikadong civilian employees, military, at uniformed personnel.

Sinabi ni DBM Acting Secretary Rolando Toledo na maaga nang nailabas ang pondo sa fiscal year upang matiyak ang agarang distribusyon, habang ang mga ahensya na ang responsable sa aktwal na pagproseso at pagpapalabas ng benepisyo.

Sa ilalim ng umiiral na patakaran, katumbas ng isang buwang basic salary ang midyear bonus na ibinibigay sa mga empleyadong nakapaglingkod ng hindi bababa sa apat na buwan mula Hulyo 1 ng nakaraang taon hanggang Mayo 15 ng kasalukuyang taon.

Kailangan ding nananatili pa sa serbisyo ng gobyerno ang empleyado pagsapit ng Mayo 15 at may hindi bababa sa satisfactory performance rating sa evaluation period.

Saklaw ng benepisyo ang mga empleyado sa national at local government, kabilang ang regular, contractual, at casual positions, pati na rin ang mga panahong may bayad na leave.

Para sa mga local government unit, nakadepende ang pagpapalabas ng bonus sa pag-apruba ng kanilang sangguniang bayan/panlalawigan/panlungsod at pagsunod sa DBM guidelines.

Ayon kay Toledo, ang maagang pagbibigay ng bonus ay patunay ng pagkilala ng pamahalaan sa kontribusyon ng mga public servant sa iba’t ibang sektor, kabilang ang mga guro, health workers, pulis, at sundalo. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here