Home OPINION MEDIA SAFETY AND SECURITY SA GITNA NG KAGULUHAN

MEDIA SAFETY AND SECURITY SA GITNA NG KAGULUHAN

74
0

MULING naging sentro ng balita ang Senado matapos ang tensyon at kaguluhan sa pagitan ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) at mga tauhan ng National Bureau of Investigation kaugnay ng isyu sa umano’y pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa. Nagkaroon ng komosyon, lockdown, habulan, at maging ulat ng putukan sa loob ng gusali ng Senado at karatig na Government Service Insurance System building nitong mga nakaraang araw.

Sa ganitong sitwasyon, hindi lamang seguridad ng mga opisyal at empleyado ang dapat pagtuunan ng pansin kundi maging ang kapakanan ng media reporters, cameramen, at photojournalists na naroon upang ihatid sa publiko ang katotohanan. Sila ay nagtatrabaho sa gitna ng tensyon, siksikan, at posibleng panganib upang maitala ang mahahalagang pangyayari sa kasaysayan.

Ngunit sa bawat paglapit nila sa eksena, kaakibat rin ang panganib ng pagkakasugat, pagkaipit sa kaguluhan, o pagkadamay sa anomang karahasan.

Matindi ang dinanas na trauma ng mga mediaman na nagko-cover sa loob ng Senado. Habang nangyayari ang kaguluhan, nasa loob naman ng GSIS building ang isang babaeng reporter. Takot na takot at halos magsumiksik sa isang sulok dahil sa alingawngaw ng mga putok. Gayundin ang isang lalaking reporter na naroon din sa loob ng compound. Aba, eh sino ba naman ang hindi matatakot sa ganoong sitwasyon? Ano nga ba ang nararapat na solusyon para sa proteksyon ng ating mga kapatid sa hanapbuhay?

Mahalagang magkaroon ng malinaw na safety protocol para sa media coverage sa mga sensitibong lugar tulad ng Senado. Dapat tiyakin ng mga awtoridad at organizers na may itinalagang ligtas na media area, malinaw na evacuation routes, at mabilis na koordinasyon kung magkaroon ng emergency. Mahalaga ring may sapat na identification ang media personnel upang madaling makilala sa gitna ng kaguluhan.

Responsibilidad din ng media organizations na bigyan ng sapat na briefing, protective equipment, basic life support awareness, at emergency preparedness training ang kanilang mga tauhan. Ang simpleng paggamit ng communication devices, pag-monitor sa crowd movement, at pag-iwas sa gitna ng pisikal na komprontasyon ay maaaring makapagsalba sa kanilang buhay.

Maaari ring kopyahin ang media safety training ni Undersecretary Joe Torres ng Presidential Task Force on Media Security kung saan itinuturo ang lahat ng mga ito.

Ang pamamahayag ay mahalagang haligi ng demokrasya. Mayroong available best practices upang maiwasan ang anomang severe consequence sa paghahatid ng balita.

Sa panahon ng kaguluhan, ang tunay na tagumpay ng media ay hindi lamang ang makakuha ng eksklusibong impormasyon, larawan o video, kundi ang makauwi nang ligtas matapos gampanan ang tungkulin sa bayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here