MISAMIS ORIENTAL, Philippines – Ni-raid ng mga awtoridad noong Biyernes ang isang steel manufacturing plant sa Tagoloan, Misamis Oriental kung saan natagpuan ang 69 na Chinese nationals at 1 Pilipino na umano’y humahawak ng mga posibleng delikado o noxious na materyales.
Sumailalim sa inquest proceedings ang mga manggagawa, habang ang limang incorporators ng kumpanyang Phil. Sanjia-Steel Corp. ay nananatiling at-large.
Pinangunahan nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at PAOCC Executive Director Ret. Gen. Benjamin Acorda Jr. ang inspeksyon sa pasilidad na nasa loob ng PHIVIDEC Industrial Estate, isang semi-autonomous GOCC na nasa ilalim ng Department of National Defense.
Ayon kay Teodoro, ang planta ay pag-aari umano ng Chinese businessman na si Tony Yang o Yang Jian Xin, na dati nang umaming hindi siya lehitimong Pilipino.
“What we have here is a case of prima facie undocumented illegal aliens na nagtatrabaho dito,” ani Teodoro.
“Ito ay pag-aari ni Tony Yang na kapatid ng notorious drug lord na si Michael Yang, kung saan dapat nakakulong ‘yan. Nakakulong naman talaga, pero tuluy-tuloy pa rin ito na nag-ooperate.”
“So, dahil nga tuluy-tuloy ito na nag-ooperate, hindi ko alam kung paano pa nakakuha ng business permit ito. Hindi na dapat eh,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Teodoro na napansin nilang ang mga Chinese workers ay may PPE habang ang ilang Filipino workers ay wala.
Ayon sa kanya, matagal na umanong napahinto ang operasyon ng planta ngunit nagpatuloy muli.
“Matagal na ito, at natigil na ito minsan nga nung nahuli yung Tony Yang. Pero nagumpisa uli,” ani Teodoro.
“Kaya nagtataka kami kung paano napahintulutan mag-operate ito sa kabila ng umamin na ito na peke siyang Pilipino.”
“At kapatid siya ni Michael Yang na wanted na drug lord. So, hindi tayo nagsasalita ng panaginip dito. Tunay ito,” dagdag pa niya.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant kasama ang NBI at mga prosecutor, at iniimbestigahan ang posibleng paglabag sa labor laws, environmental at safety regulations, pati na rin smuggling at substandard steel production.
May ulat din na maaaring may hazardous materials sa loob ng pasilidad, ngunit hindi pa natutukoy ang eksaktong uri nito.
“Ang sumbong is harmful or noxious materials. Ngayon hindi pa naki-classify kung ano nga ang nature ng materials,” ani Teodoro.
“Let’s just wait for the official report,” dagdag ni Acorda.
Inatasan ang Office of Civil Defense na maghanda sakaling makumpirma ang hazardous materials.
Nagbabala si Teodoro laban sa pakikialam sa kaso:
“Ito ay live na kaso. Binabalaan namin kung sino man ang magtatangkang makialam sa kaso na ito, kakasuhan namin ng obstruction of justice—kahit sino pa ‘yan dahil ito ay national security issue,” aniya.
Dagdag pa niya, mahalagang alamin kung legal o ilegal ang operasyon ng mga kumpanya sa PHIVIDEC Industrial Estate dahil ito ay itinuturing na strategic industrial zone na may kinalaman sa national security. RNT/MND