MOSCOW, Russia – Hindi bababa sa apat na katao ang nasawi matapos maglunsad ang Ukraine ng pinakamalaking overnight drone attack laban sa Moscow sa loob ng mahigit isang taon, ayon sa mga opisyal ng Russia noong Linggo.
Tatlo sa mga nasawi ay mula sa Moscow region habang ang isa naman ay mula sa Belgorod region na malapit sa northeastern Ukraine.
Ayon sa Russian defense ministry, mahigit 1,000 Ukrainian drones ang kanilang napabagsak sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa loob ng nakaraang 24 oras.
Nauna nang nangako si Ukrainian President Volodymyr Zelenskiy ng ganti matapos ang pinakamabigat na drone at missile attack ng Russia sa Kyiv sa loob ng dalawang araw mula nang magsimula ang digmaan mahigit apat na taon na ang nakalipas.
Sa post ni Zelenskiy sa X, ipinakita ang video ng drone attacks, makapal na usok, at mga bumberong umaapula ng apoy.
“Our responses to Russia’s prolongation of the war and its attacks on our cities and communities are entirely justified,” ani Zelenskiy.
Idinagdag niyang kaya ng Ukraine na tamaan ang mga target na mahigit 500 kilometro mula sa border kahit mahigpit ang depensa ng Russia sa paligid ng Moscow.
“We are clearly telling the Russians: Their state must end its war,” dagdag niya.
Sinabi ng Ukraine’s SBU security service na tinamaan ng kanilang militar ang isang oil refinery at dalawang oil-pumping stations sa Moscow region.
Ayon naman sa Ukrainian military General Staff, nagdulot ng sunog ang isang pag-atake sa planta malapit sa Moscow na gumagawa ng high-precision weapons.
Inakusahan naman ng Russian foreign ministry ang Ukraine na targetin ang mga sibilyan.
“To the sound of Eurovision songs, the Kyiv regime, financed by the EU, carried out yet another mass terrorist attack,” ayon kay Russian foreign ministry spokeswoman Maria Zakharova.
Itinanggi ng magkabilang panig na sinasadya nilang targetin ang mga sibilyan.
Ayon kay Moscow Mayor Sergei Sobyanin, 81 drones na patungong Moscow ang napabagsak ng air defense mula hatinggabi, na itinuturing na pinakamalaking drone attack sa kabisera sa loob ng mahigit isang taon.
Labindalawang katao rin umano ang nasugatan, karamihan malapit sa oil refinery ng Moscow, habang tatlong bahay ang napinsala.
Sinabi naman ni Moscow regional Governor Andrei Vorobyov na isang babae ang namatay matapos tamaan ang isang bahay sa Khimki, habang dalawa pang lalaki ang nasawi sa Pogorelki village sa Mytishchi district.
Nasira rin ang ilang residential buildings at infrastructure facilities.
Samantala, sinabi ng Sheremetyevo Airport sa Moscow na may bumagsak na drone debris sa kanilang lugar ngunit wala namang naiulat na pinsala. RNT/MND