MAGUINDANAO DEL NORTE, Philippines – Hinimok ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Chief Minister Abdulraof Macacua si Ministry of Basic, Higher, and Technical Education Minister Mohagher Iqbal na magbitiw sa pwesto upang mapanatili ang integridad ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at maprotektahan ang kredibilidad ng BARMM government.
Sa liham na may petsang Mayo 11, sinabi ni Macacua na kailangan ang pagbibitiw ni Iqbal o ituturing itong “deemed resigned” kung hindi siya magsusumite ng resignation bago matapos ang office hours sa Lunes, Mayo 18.
Ayon kay Macacua, naapektuhan na ang tiwala ng publiko sa pamahalaan ng BARMM dahil sa mga isyu kaugnay ng audit findings ng Commission on Audit (COA) sa procurement at disbursement sa education ministry.
Binanggit niya ang umano’y seryosong deficiencies at posibleng paglabag sa procurement rules, kabilang ang hindi pagpataw ng liquidated damages sa mga delay na proyekto, isyu sa eligibility ng joint venture arrangements, at late posting ng performance securities ng ilang contractors.
Ayon pa sa kanya, 73 disbursement vouchers na umaabot sa bilyong piso ang naaprubahan at nabayaran kahit kulang ang mga mandatory procurement documents.
Nagbabala rin si Macacua na maaaring hindi pa ito ang huling findings, dahil posible pang maglabas ang COA ng karagdagang notices of disallowance habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa mga transaksyon. RNT/MND