MANILA, Philippines – Magandang balita ang hatid ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa libo-libong empleyado ng Manila City Hall makaraang ipahayag nito na simula ngayong araw ay maaari na nilang makuha ang kanilang “mid-year” bonus.
Ipinahayag ni Domagoso ang nasabing balita kasabay ng isinagawang lingguhang flag raising ceremony sa Kartilya ng Katipunan kasabay ng kanyang panawagan sa mga Manileño na manatiling nakatuon sa trabaho at serbisyo sa kabila ng umiinit na usaping pulitikal sa bansa.
Ayon sa alkalde, hindi dapat magpadala sa ingay ng pulitika ang mga empleyado ng pamahalaang lungsod at sa halip ay ituon ang pansin sa paglilingkod sa mamamayan.
Ipinahayag din ni Yorme na nilagdaan niya noong Huwebes ang release order para sa halos ₱350 milyong pondo para sa mid-year bonus ng mahigit 8,000 empleyado ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
“Last Thursday, I signed the release of almost 350 million for your mid-year bonus,” ani Domagoso.
Dagdag pa niya, maaari nang makuha ng mga empleyado ang kanilang bonus pagsapit ng alas-dose ng tanghali.
“Mamayang alas-dose nang tanghali, pwede niyo na tirahin. I-check niyo na. Sa inyo na ’yan, ingatan niyo ’yan,” saad ng alkalde.
Ayon kay Domagoso, naantala lamang ang pagpapalabas ng bonus noong nakaraang linggo dahil sa umiiral na alituntunin ng Civil Service na nagbabawal sa payout bago sumapit ang ika-15 ng buwan.
Binigyang-diin din niya na hindi dapat magambala ang mga Manileño sa hidwaan ng mga pambansang lider.
“Eyes on the ball, doon lang tayo,” pahayag niya, sabay panawagan na ipagpatuloy ang pagtupad sa pang-araw-araw na tungkulin at obligasyon.
Hinimok rin ng alkalde ang mga empleyado na maging responsable sa paggamit ng kanilang bonus at magtabi ng ipon para sa oras ng pangangailangan.
“You deserve it, but you have to save it. Save some for the rainy days,” ani Domagoso.
Tiniyak din niya sa mga kawani ng lungsod na kusa nilang matatanggap ang mga benepisyong nararapat para sa kanila nang hindi na kinakailangang humiling pa.
“What is due to you will be given to you. You don’t need to ask for it,” dagdag pa ng alkalde. JAY Reyes