MALACAÑANG – Pinupursige ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagpapatuloy ng peace process sa Bangsamoro sa pamamagitan ng pagpapabilis sa naantalang decommissioning ng mga dating combatant ng Moro Islamic Liberation Front at ang pagpapatupad ng mga natitirang commitment sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.
Kabilang si Special Assistant to the President Anton Lagdameo Jr. sa patuloy na pagsisikap ng administrasyon para sa kapayapaan matapos sumailalim ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa yugto ng parliamentary elections noong Setyembre 14, 2026 at nakatuon na sa mga natitirang commitment sa ilalim ng 2014 peace agreement sa pagitan ng gobyerno at MILF.
Nagkaroon ng panibagong pagtulak sa proseso matapos ang pulong ng Government of the Philippines (GPH) at MILF Peace Implementing Panels noong Setyembre 25 sa Kuala Lumpur, Malaysia, kung saan muling pinagtibay ng magkabilang panig ang kanilang partnership at nangakong isusulong ang mga natitirang probisyon ng CAB.
Naglabas ang magkabilang panig ng Declaration of Continuity of the Partnership at inaprubahan ang terms of reference para sa isang technical working group na bubuo ng updated roadmap para sa pagpapatupad ng kasunduan.
Malaki pa rin ang natitirang gawain sa decommissioning. Batay sa pinakahuling partikular na cumulative figures na na-verify noong Hulyo 4, 2024, 26,145 sa 40,000 MILF combatants na saklaw ng proseso ang na-decommission na o 65.4% ng target.
Sa parehong ulat, 4,625 naman sa 7,200 armas na saklaw ng proseso ang na-decommission o 64.2%. Batay dito, 13,855 combatants at 2,575 armas pa ang kailangang i-proseso.
Ang fourth at final phase na iniulat na sumasaklaw sa 14,000 combatants at 2,450 armas ay ipinagpaliban ng MILF noong 2025 dahil sa mga pangamba sa pagpapatupad ng socioeconomic commitments. Nagpatuloy ang joint engagements noong Agosto 2026, na sinundan ng pulong noong Setyembre na muling nagpasigla sa mga hakbang upang maresolba ang mga natitirang usapin.
Ayon kay Lagdameo, hindi lamang decommissioning at weapons disposition ang saklaw ng normalization. Kabilang din dito ang socioeconomic development, security arrangements, disbandment ng private armed groups, civilian protection, at transitional justice and reconciliation.
Upang mapabilis ang pagbibigay ng ayuda at iba pang suporta, iniulat na nagpatibay ang peace panels ng integrated, beneficiary-centered approach para sa socioeconomic interventions sa mga na-decommission na combatant at anim na dating kinilalang MILF camps na layong mapabuti ang koordinasyon at paghahatid ng mga napagkasunduang programa.
Iniulat ng gobyerno noong Hulyo 2025 na tinatayang ₱4 bilyon na ang inilaan nito mula 2019 para sa socioeconomic support ng mga na-decommission na combatant, bukod pa sa ₱100,000 transitional cash assistance na ibinibigay sa bawat combatant matapos ang decommissioning.
Kabilang din sa mga intervention ang PhilHealth enrollment, assistance sa civil registration, skills training, at emergency employment.
Para sa 2026, naglaan ang national government ng assistance para sa karagdagang 3,500 beneficiaries sa ilalim ng educational assistance program at 2,000 beneficiaries para sa skills training, ayon sa parehong pahayag.
“These initiatives are intended to help former combatants and their families establish sustainable civilian livelihoods,” pagbibigay diin ni Lagdameo.
Isinulong sa pulong noong Setyembre 25 ang mga mekanismo para sa seguridad at proteksyon ng mga sibilyan. Iniulat na pinalawig ng panels ang mandato ng Ad Hoc Joint Action Group hanggang Setyembre 25, 2027, at ng Civilian Protection Component hanggang Setyembre 25, 2028, habang nagkasundo rin sila sa prinsipyo sa isang framework para sa pamamahala ng small arms and light weapons.
Para naman sa transitional justice, inaprubahan ng magkabilang panig ang mga rekomendasyon upang palakasin ang legislative measures na magtatatag ng National Transitional Justice and Reconciliation Commission for the Bangsamoro. Isusumite ang mga rekomendasyon sa Kongreso para sa legislative action.
Dagdag ni Lagdameo, kakailanganin sa susunod na yugto ang tuloy-tuloy na koordinasyon ng national government, MILF, at Bangsamoro government upang maresolba ang mga natitirang usapin, magtakda ng malinaw na implementation milestones, at matiyak na matatanggap ng mga dating combatant at conflict-affected communities ang assistance at security provisions na ipinangako sa ilalim ng peace agreement.
Binigyang-diin ni Lagdameo na para sa administrasyong Marcos, ang hamon ay gawing pangmatagalang kapayapaan at inclusive development ang mga political gains mula sa kauna-unahang parliamentary elections ng BARMM.
“Completing the remaining normalization commitments under the CAB will be a key measure of progress toward a stable and peaceful Bangsamoro,” pagtatapos niya.