MANILA, Philippines – Humabol sa huling araw ng voter registration ang mga residente ng Maynila upang makaboto sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataang Elections (BSKE).
Tatlong mall ang ginawang satellite registration sites ng Comelec para sa anim na distrito ng Maynila na dinagsa ng mga nais magpatala para sa halalan upang hindi mahirap para sa mga magpaparehistro.
Bawat mall ay may itinalagang distrito sa pagpaparehistro upang hindi magsiksikan kung saan maagang inabisuhan hinggil dito upang hindi magkaroon ng kalituhan.
Bagamat mainit ay tiniis ng mga nagparehistro ang mahabang pila habang naghihintay papasok ng mall para sa pagproseso ng kanilang rehistro o kaya magpa-bago at magpa-update ng kanilang record.
Alas-8 ng umaga nang sinimulan ang pagpaparehistro at magtatapos ito hanggang alas-5:00 ng hapon.
Matatandaan na una ng sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na wala ng silang planong palawigin pa ang pagpaparehistro lalo na’t ilan buwan na rin ang lumipas o noong October 2025 pa ito sinimulan. Jocelyn Tabangcura-Domenden