MANILA, Philippines – Naka-alerto ang Philippine National Police (PNP) sa posibleng mga protesta habang nagkakaroon ng pag-upo ang Senado bilang impeachment court para sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte ngayong Lunes, Mayo 18.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., inaasahan ang matinding emosyon mula sa mga tagasuporta kaya kinakailangan ang presensya ng pulisya upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.
“The Philippine National Police… [has] placed Metro Manila and key regional units on alert ahead of possible protest actions and other activities linked to the opening of Senate impeachment court proceedings,” aniya.
Nauna nang kinumpirma ni Senate President Alan Peter Cayetano na magpupulong ang Senado bilang impeachment court ilang araw matapos matanggap ang articles of impeachment laban kay Duterte.
Kinasasangkutan ang bise presidente ng mga akusasyon tulad ng maling paggamit ng confidential funds, umano’y unexplained wealth, panunuhol sa mga opisyal ng Department of Education, at pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kanyang pamilya.
Ayon sa PNP, posibleng magkaroon ng rally sa Metro Manila at Davao City dahil sa mga kaganapan.
“We fully understand the sentiments of everybody on this matter, but please don’t treat your PNP as your enemy,” ani Nartatez.
Nanawagan din siya sa mga magpoprotesta na isagawa ang mga pagkilos nang mapayapa at maayos upang maiwasan ang anumang gulo. RNT/MND