MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Office of the Ombudsman na inirekomenda na ng Department of Justice ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Ito ay matapos matanggap ng Ombudsman ang resolution ng justice department.
Partikular ang kasong plunder, graft, direct bribery at pagtanggap ng regalo ng pampublikong opisyal.
Kasama rin sa isinampang kaso ang korapsyon ng public officials laban sa ilang personalidad na sangkot sa nasabing anomalya.
Kabilang naman sa mga pangunahing respondents sina Senador Jinggoy Estrada, dating DPWH Sec. Manuel Bonoan, Bong Dinglasan, Engr. Denryl Caesar Cortuna, Asst. Engr Manny Bulosan, at Engr. Arturo Gonzales Jr.
Habang sina dating DPWH Usec. Catalina Cabral ay inalis na sa kaso.
Hindi rin kasama sa kinasuhan sa korte sina DPWH officials Roberto Bernardo, Henry Alcantara, at Gerard Opulencia kapalit ng kanilang mga testimonya.
Sinabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na magsasagawa ang Office of the Ombudsman ng sarili nitong independiyenteng pagsusuri at resolusyon base sa merito ng kaso.
Samantala, hinihingan naman ng mga mamamahayag ng pahayag ang DOJ kaugnay sa kumpirmasyon ng Ombudsman ngunit hindi pa tumutugon ang tagapagsalita ng justice department na si Atty. Polo Martinez. Jocelyn Tabangcura-Domenden