MANILA, Philippines – Hindi naniniwala si Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na hindi pa nila napag-uusapan ng kanyang kapatid na si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte ang 2028 national elections.
“Kunwari lang ‘yon, hindi sila nag-uusap? Maniwala naman kayo. Siyempre alam niya lahat,” ani Ortega sa press briefing sa lunch break ng impeachment trial.
Tugon ito ni Ortega sa press conference ni Duterte kung saan sinabi ng Bise Presidente na hindi pa nila napag-uusapan ng kanyang kapatid ang halalan sa 2028.
Sinabi rin ni Duterte na pinauwi siya ng kanyang ina na si Elizabeth Zimmerman sa Davao at pinayuhang ipaubaya kay Baste ang posibleng pagtakbo sa national position.
Ayon kay Ortega, mahirap paniwalaan na hindi pinag-uusapan ng magkapatid ang politika.
“Imposibleng hindi sila nag-uusap tungkol sa politika,” ani Ortega.
Tinawag niyang pakitang-tao lamang ang igiit ni Duterte na walang naging usapan.
“Imposible. Napaka-imposible ‘yon. Ano lang ‘yon, drama lang ‘yon, effect lang ‘yon,” pagtatapos pa ni Ortega. Gail Mendoza