Home NATIONWIDE PBBM dismayado sa pag-‘eskapo’ ni Bato

PBBM dismayado sa pag-‘eskapo’ ni Bato

49
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Malacañang na nagpahayag ng pagkadismaya si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa napaulat na “pagtakas” ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa mula sa Senate premises sa kabila ng pagiging nasa ilalim ng protective custody ng kapulungan.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kitang-kita umano ang reaksyon ng Pangulo sa isang pulong kasama ang mga Gabinete kung saan tinalakay ang mga kaganapan kaugnay ng tangkang pagsilbi ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa.

“Noong nagkaroon po ng meeting, inalam niya kung anong pangyayari at makikita mo sa hitsura ng Pangulo at kung paano siya magtanong sa mga Cabinet secretaries, nandoon po iyong disappointment,” pahayag ni Castro.

Nilinaw niyang ang pagkadismaya ng Pangulo ay para sa insidente sa Senado at hindi laban sa mga opisyal ng Gabinete.

Itinanggi rin ng Malacañang ang pahayag na nabigo ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pagsisilbi ng ICC warrant, at sinabing naharang umano ang kanilang operasyon.

“There was no failure on the part of the NBI agents. Hinarang sila,” ani Castro.

Kinuwestyon din niya ang naging papel ng Senado sa insidente at kung tama bang makialam ito sa pagsisilbi ng warrant of arrest.

Dagdag pa ng Malacañang, nananatiling nakatuon ang administrasyon sa pagpapatupad ng batas at binanggit na tinawag na “fugitive” si Dela Rosa ng Office of the Solicitor General, at aarestuhin ito kapag sinubukan umanong umalis ng bansa.

Nagsimula ang kontrobersiya matapos lumabas ang ulat na umalis si Dela Rosa sa Senate premises sa gitna ng mahigpit na seguridad at mga diskusyon kaugnay ng ICC warrant na may kinalaman sa mga patayan sa ilalim ng anti-drug campaign ng Duterte administration.

Nauna nang inilagay ng Senado si Dela Rosa sa protective custody habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here