MANILA, Philippines – Hindi bababa sa limang katao ang nasawi sa serye ng umano’y engkuwentro sa pagitan ng mga pwersa ng pamahalaan at mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Cauayan, Negros Occidental noong Mayo 16, ayon sa mga awtoridad.
Ayon sa militar, naganap ang apat na sagupaan sa iba’t ibang bahagi ng bayan—una sa Barangay Abaca bandang 6 a.m., sinundan ng isa pang engkuwentro makalipas ang isang oras, isa pa bandang 2 p.m., at huling sagupaan sa Barangay Poblacion bandang 5 p.m.
Naitala sa video ng isang residente ang putok ng baril mula sa kabundukan sa Barangay Abaca, ayon sa ulat.
Sinabi ni BGen. Jason Jumawan, commander ng 302nd Infantry Brigade, na nagsagawa ng operasyon ang mga sundalo matapos makatanggap ng ulat mula sa mga residente at sinalubong sila ng putok mula sa armadong grupo.
“We decided an operation na i-pressure sila to surrender. Pero lumaban pa rin sila. Kada pasok nila sa area, nagsusumbong sa’tin ‘yung mga tao dun sa barangay. When the troops arrived in the area, they were immediately fired upon by the NPAs,” pahayag ni Jumawan.
Kinilala ang mga nasawi na sina Rolando Dantes Jr., Jobert Casipong, Gilbert Tingson, Alex Chavez Languita, at Francis Vince Dingding.
Ayon sa militar, sangkot umano ang mga ito sa ilang insidente ng pagpatay sa mga sibilyan sa mga nakaraang taon, kabilang ang 23 nasawi noong 2025 at tatlo pa noong 2026.
“Since last year, marami na silang napatay. Twenty-six na ‘yung kanilang napatay, both in Negros Occidental and Negros Oriental, including ‘yung 74-year-old na lola,” dagdag ni Jumawan.
Dahil sa mga engkuwentro, tinatayang 116 pamilya o humigit-kumulang 400 katao ang pansamantalang lumikas ngunit pinayagan ding makabalik sa kanilang mga tahanan kinabukasan. Mary Anne Sapico