Home METRO Ugnayan sa Chinese nat’l na inaresto sa pagpapanggap bilang Pinoy, itinanggi ng...

Ugnayan sa Chinese nat’l na inaresto sa pagpapanggap bilang Pinoy, itinanggi ng Manila LGU

52
0

MANILA, Philippines – Nilinaw ng Manila City Government na walang kaugnayan ang kasalukuyang administrasyon ni Manila Mayor Isko Moreno sa Chinese national na inaresto ng Bureau of Immigration (BI) dahil umano sa paggamit ng pekeng dokumento upang magpanggap na Pilipino.

Ayon kay Manila City Administrator Atty. Eduardo “Wardee” Quintos XIV, ang dating pamunuan ng lungsod ang dapat magpaliwanag hinggil sa mga dokumentong may kaugnayan kay Cai RongXuan, alyas Peter B. Zhuang, na nahuli noong Marso 30, 2026 sa NAIA Terminal 1.

Sinabi ni Quintos na si dating Manila City Administrator Bernardito Ang, na nagsilbi sa ilalim ng administrasyon ni dating Mayor Honey Lacuna, ang dapat tanungin kaugnay sa mga dokumentong naiugnay sa naturang dayuhan.

Ayon pa kay Quintos, kabilang sa mga narekober ng mga awtoridad mula kay Zhuang ang isang identification card mula sa Office of the City Administrator na may nakasaad na designation bilang “Manila-China Foreign Relations Director” at pirmado umano ni dating City Administrator Bernardito Ang.

Nauna nang iniulat na inaresto si Zhuang matapos umano niyang gumamit ng mga pekeng papeles upang palabasing isa siyang Pilipino. Hinihinala rin umano siyang may kaugnayan sa espiya ng China.

Giit ni Quintos, walang anumang koneksiyon, pahintulot, o kaugnayan si Zhuang sa kasalukuyang administrasyon ng Maynila sa anumang kapasidad.

Dagdag pa niya, walang kaalaman ang administrasyon ni Mayor Isko Moreno sa anumang identification card, certification, o iba pang dokumentong maaaring naisyu kay Zhuang.

Binigyang-diin din ni Quintos na hindi kinukunsinti ng lokal na pamahalaan ang maling representasyon, paggamit sa pangalan ng mga opisyal ng City Hall nang walang pahintulot, o anumang pagsasamantala sa pangalan ng mga institusyon ng gobyerno ng mga dayuhan.

Kasabay nito, tiniyak ng Manila City Government na nananatiling prayoridad ng administrasyon ni Mayor Isko Moreno ang pambansang seguridad at pagsunod sa Saligang Batas. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here