MANILA, Philippines – Muling isinailalim sa yellow alert ang Visayas grid mula 3 p.m. hanggang 9 p.m. nitong Martes dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente at mataas na demand.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), nasa 2,691 megawatts ang available capacity habang inaasahang aabot sa 2,594 MW ang peak demand sa rehiyon.
Nagkaroon ng yellow alert matapos mawalan ng operasyon ang tatlong generating units mula sa malalaking coal-fired power plants—ang Units 1 at 2 ng Thema Visayas Inc. at Unit 3 ng Panay Energy Development Corporation.
Sinabi ng NGCP na nadagdag pa ito sa 21 power plants na naka-forced outage mula pa noong 2021.
Mayroon ding 10 iba pang planta na tumatakbo lamang sa derated capacity, kaya umabot sa kabuuang 846.3 MW ang hindi available na kapasidad sa Visayas grid.
Samantala, inatasan ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) ang NGCP na magsumite ng kumpletong ulat kaugnay ng sunod-sunod na outage ng mga planta.
Iniimbestigahan din ng DOE ang pagtirik ng dalawang pangunahing transmission line noong nakaraang linggo na nakaapekto sa Luzon grid. RNT/MND