MANILA, Philippines – Sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag nitong Martes na may mga lead na ang kanilang ahensya sa posibleng kinaroroonan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa at hinikayat niya ang mambabatas na sumuko upang mawakasan ang kaguluhang dulot ng kanyang muling paglitaw.
Sa isang forum sa Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) “Balitaan” sa Ermita, Manila, sinabi ni Matibag na dapat maunawaan ni Dela Rosa, dating Philippine National Police chief, ang proseso ng pagpapatupad ng batas at hindi dapat gamitin ang posisyon upang umiwas sa pananagutan.
“Siya, higit kaninuman, ang dapat nakakaintindi kung ano ang law enforcement (He, more than anyone else, should understand what law enforcement is).”
Ayon sa NBI, tinutunton na nila ang posibleng lokasyon ng senador ngunit hindi muna inilalabas ang detalye para sa operational security at upang maiwasan ang espekulasyon.
Itinuro rin ni Matibag si Senator Robin Padilla bilang posibleng may alam sa kinaroroonan ni Dela Rosa dahil siya umano ang huling taong nakitang kasama nito.
Kasabay nito, tumutol ang NBI chief sa panawagan ni Senate President Alan Peter Cayetano na suspendihin siya, at iginiit na ang usapin ng command responsibility ay dapat nakatuon sa pamunuan ng Senado kung saan naganap ang insidente.
Giit niya, walang NBI personnel na nasa loob ng Senado noong insidente at hindi sila ang nagpasimula ng eskalasyon.
Tinawag din ni Matibag na “feudal thinking” ang ideya na may mga opisyal na higit sa batas, at binigyang-diin na ang mga aksyon, hindi posisyon, ang dapat batayan ng legalidad.
Bilang halimbawa, binanggit niya sina dating Senador Antonio Trillanes IV at Leila de Lima na sumailalim sa arrest warrants habang nasa pwesto pa at sumunod sa legal na proseso.
Sinabi rin niya na handa siyang sumailalim sa imbestigasyon at panagutan ang anumang pagkakamali, at idinagdag na malapit nang matapos ang imbestigasyon ng NBI, at ang pinal na desisyon ay manggagaling sa Department of Justice.
Ibinunyag din ni Matibag na walang NBI agents na ipinadala sa Senado noong gabing iyon dahil sa “gentleman’s agreement,” kung saan naghintay sila ng desisyon ng Korte Suprema sa petisyon ni Dela Rosa para sa temporary restraining order.
Ayon pa sa kanya, tiniyak umano ni Cayetano na mananatili si Dela Rosa sa protective custody at hindi tatakas. RNT/MND