Home TOP STORIES BARMM Educ Minister, sinibak sa puwesto kasunod ng COA special audit

BARMM Educ Minister, sinibak sa puwesto kasunod ng COA special audit

42
0

MANILA, Philippines – Sinibak sa puwesto si Mohagher Iqbal bilang pinuno ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao kasunod ng special audit findings ng Commission on Audit kaugnay ng umano’y mga iregularidad sa procurement ng education at training materials na nagkakahalaga ng P2.2 bilyon.

Batay sa dalawang pahinang liham na pirmado ni Abdulraof Macacua noong Mayo 11, 2026, inatasan si Iqbal na magsumite ng “irrevocable resignation” at kung hindi ay ikokonsiderang nagbitiw sa puwesto. Nakasaad din sa liham na kapag hindi siya sumunod ay maaari itong ituring na kusang pagbibitiw sa puwesto.

Ayon kay Macacua, kabilang sa mga natuklasan ng COA special audit ang hindi umano pagpapataw ng liquidated damages na nagkakahalaga ng P1.06 milyon kaugnay ng 520 araw na pagkaantala sa paghahatid ng proyektong nagkakahalaga ng P30.9 milyon para sa small armchairs ng primary school learners. Nakasaad sa liham na posibleng lumabag ito sa Section 68 at Item 3 ng 2016 Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 9184, gayundin sa mga probisyon ng kontrata sa supplier.

Nasa audit findings din umano na may 53 kontrata na nagkakahalaga ng P1.95 bilyon na inaward ng MBHTE kahit may mga kakulangan o depekto sa procurement process. Binanggit din ang umano’y late posting ng performance security ng ilang bidders, na ayon sa ulat ay maaaring makaapekto sa katiyakan ng “faithful performance of the suppliers’ contractual obligations.”

Bukod dito, iniulat din na may 73 disbursement vouchers na nagkakahalaga ng kabuuang P2.24 milyon na naproseso at nabayaran umano nang buo batay lamang sa certifications ng ilang MBHTE officials at empleyado, sa kabila ng kakulangan ng ilang documentary requirements.

Sinabi rin ni Macacua na nagpalabas na ang COA ng initial notices of disallowance kaugnay ng mga naturang transaksyon at may posibilidad na madagdagan pa ito.

“In view of these, and given the gravity of the findings and the enormity of the amount involved, we are of the considered view that the gains of good and moral governance enunciated by the former Chief Minister and which we are currently pursuing are in serious jeopardy,” ayon sa liham ni Macacua.

Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si Iqbal hinggil sa naturang usapin sa oras ng pagsulat ng balitang ito. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here