HABANG mabilis maglabas ng desisyon ang National Police Commission laban sa ordinaryong pulis na nasasangkot sa viral videos, tila napakabagal naman nito kapag ang usapin ay may koneksyon sa kapangyarihan at pulitika.
Nakapagtataka kung bakit tila mas matapang silang magparusa sa maliliit kaysa usigin ang mga posibleng sangkot sa mas malalim at mas seryosong kontrobersiya sa Senado.
Sa usapin ng umano’y planong pagdakip kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, hindi simpleng tsismis ang mga lumutang na impormasyon. Ilang oras bago ang insidente ng pamamaril sa Senado, mismong si PMGen Anthony Aberin, direktor ng National Capital Region Police Office, at ilan sa kanyang mga tauhan ay bumisita at nagsagawa pa ng inspeksyon sa Senado. Bakit? Ano ang tunay na pakay? Hindi kaya napag-utusan ng relihiyong kanyang kinabibilangan? Hanggang ngayon, tila walang malinaw na paliwanag na kayang pawiin ang pagdududa ng publiko.
Mas lalong lumalim ang mga tanong nang may mga ulat pang lumabas na isang mobile car ng Pasay police ang umano’y nag-escort pa sa sasakyang pinaniniwalaang gagamitin sa pagtakas ni dela Rosa. Kung totoo ito, hindi ba’t mas mabigat itong usapin kaysa sa mga karaniwang reklamong mabilis aksyonan ng NAPOLCOM? Nasaan ngayon ang tapang ng komisyon na mag-imbestiga at managot ang mga dapat managot?
Kapag ordinaryong pulis ang nahuling nagkamali sa checkpoint o viral sa social media, halos wala pang 24 oras ay suspendido agad. Ngunit kapag mataas na opisyal o may bahid ng pulitika ang sangkot, tila nagiging maingat, mabagal, at tahimik ang sistema. Ito ang dahilan kung bakit maraming Pilipino ang nawawalan ng tiwala sa mga institusyong dapat sana’y simbolo ng patas na pagpapatupad ng batas.
Hindi dapat namimili ang hustisya. Kapag ang batas ay ginagamit lamang laban sa mahina ngunit nagiging maamo sa makapangyarihan, hindi na ito tunay na katarungan kundi isang malinaw na halimbawa ng dobleng pamantayan. At sa ganitong sistema, ang pinakaunang nasasakripisyo ay ang tiwala ng taumbayan.






