Home METRO Pulis-Maynila inaresto ng kabaro sa panghihipo

Pulis-Maynila inaresto ng kabaro sa panghihipo

52
0

MANILA, Philippines – Isang miyembro ng Manila Police District (MPD) ang inaresto ng kapwa pulis makaraang hipuan sa puwet ang 14 anyos na dalagita habang naglalakad sa Malabon City, napaulat Martes ng gabi.

Batay sa report na nakarating sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, lasing umano ang 45-anyos na pulis na may ranggong PCMS na nakatalaga sa District Anti-Carnapping Unit (DACU) ng Manila Police District (MPD) nang mapag-tripang hipuin ang puwet ng 14-anyos na dalagita habang naglalakad pauwi sa Salmon St., Brgy., Longos dakong alas-7:30 ng gabi.

Dahil dito, nagsumbong sa kanyang pamilya ang dalagita kaya sinamahan siya ng kanyang kuya upang komprontahin ang pulis subalit, sa halip na humingi ng paumanhin, nagalit at nagbitiw pa umano ito ng mga pananakot na pananalita.

Dahil sa takot at pangamba na malagay sa panganib ang kanilang buhay, napilitang tumakbong pauwi ang magkapatid subalit, hinabol sila ng pulis hanggang sa loob ng kanilang bahay na nagdulot ng takot sa pamilya ng dalagita.

Nang makarating naman sa kaalaman ng mga tauhan ng Malabon Police ang pangyayari ay agad silang nagresponde sa lugar sa pangunguna ng Special Weapon and Tactic (SWAT) team na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at nakumpiskahan pa ito ng kalibre .9mm pistol na kargado ng 20 bala sa magazine.

Nahaharap sa mga kasong Acts of Lasciviousness in relation to RA 7610 (Child Abuse), Grave Threats, Alarms and Scandal, Violation of Domicile, at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang inareston pulis -Maynila. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here