MANILA, Philippines – Itinuturing ng National Bureau of Investigation (NBI) si Senador Ronald “Bato” dela Rosa bilang “armed and dangerous” kasabay ng pagsisilbi ng mga awtoridad ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) at patuloy pa ring pinaghahanap ito.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, ang ganitong klasipikasyon ay babala na inilalagay sa mga indibidwal na subject ng warrant service.
“Yung ‘armed and dangerous’ ang sinasabi namin dito; lahat naman po ng target o sine-serve-an ng warrant, ang aming point of view, we will always be ready baka armado ang ating subject,” ani Matibag.
“There are footage noong umalis si Senator Bato, may mga dalang duffle bag… so there is a suspicion na baka may baril,” sinabi pa niya.
“At the same time, what happened doon sa Senado, it shows the factor na maaaring armado ang tao na ito.”
Kinontra naman ni Matibag ang mga suhestyon na isilbi na lamang sa pamamagitan ng legal counsel ni Dela Rosa ang arrest warrant.
“Wala pong ganoon,” aniya.
Samantala, nakatakda namang pag-usapan ng Firearms License Revocation and Restoration Board kung kakanselahin ba ang lisensya ng mga armas ni Dela Rosa.
Sa kabila nito, sinabi ni Matibag na ang pagbawi ng mga lisensya ay hindi agad nangangahulugan na maaaring bawiin ng mga awtoridad ang mga armas.
“Ang problema naman diyan sa lisensya… hindi naman natin makukuha agad iyong mga baril,” sinabi niya. RNT/JGC