MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpapalakas ng presensya ng immigration officers sa Siargao bilang tugon sa mga reklamo ng paglabag sa batas sangkot ang mga immigrant at turista.
Nakipagkita si BI Commissioner Joel Anthony Viado sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan at law enforcement agencies para pag-usapan ang mga pangamba sa public order, immigration at turismo sa Siargao.
Ani Viado, kinikilala niya ang mga reklamo ng local government unit (LGU) at mga residente ng overstaying foreigners, illegal work, disorderly conduct, environmental violations at iba pa.
“As part of the bureau’s response, Viado announced the strengthening of the BI’s local immigration office in Siargao to ensure faster response to community complaints, closer coordination with LGUs and law enforcement, stricter monitoring of immigration violations, and a more visible government presence in the area,” ayon pa sa kalatas ng BI.
Noong Mayo 17, nanawagan si Solid North party-list Rep. Ching Bernos sa lokal na pamahalaan “to protect the welfare and way of life, especially of indigenous communities in the face of abuses from tourists.”
Ito ay kasunod ng umano’y pananakit ng dalawang turista sa may-ari ng establisyimento dahil sa naka-display ng watawat ng Palestine.
Maging ang artistang si Andi Eigenman na nakabase rin sa isla ay pinuna ang pananakit ng mga Israeli sa pro-Palestinian locals.
Nagbabala si Viado sa mga dayuhang turista na hindi mag-aatubili ang pamahalaan na panagutin ang mga pang-aabuso at paglabag sa batas na magdudulot ng kaguluhan at karahasan. RNT/JGC