MANILA, Philippines — Inanunsyo ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa isinagawang flag ceremony ng lungsod ang pagpapalabas ng mahigit P76 milyong retirement benefits para sa mga retiradong empleyado ng Manila City Hall.
Ayon kay Domagoso, bahagi ito ng patuloy na pagtugon ng pamahalaang lungsod sa mga nakabinbing retirement claims ng mga empleyadong matagal na nagsilbi sa lungsod.
Sa nasabing seremonya, personal na tinawag ng alkalde ang ilang retiradong empleyado habang inanunsyo ang halaga ng retirement benefits na kanilang matatanggap.
Sinabi ni Domagoso na nais ng lungsod na agad maibigay ang mga benepisyo upang mapakinabangan ng mga retirado kasama ang kanilang pamilya matapos ang mahabang panahon ng paglilingkod sa publiko.
Umabot sa kabuuang P76,118,505.67 ang inilabas na retirement benefits para sa mga kwalipikadong retiradong empleyado ng lokal na pamahalaan.
Samantala, kinilala rin ng pamahalaang lungsod ang 10 topnotchers at board passers na nagtapos at nag-aral sa iba’t ibang paaralan sa Maynila, kabilang ang mga reviewee ng Carl E. Balita Review Center.
Sa naturang flag ceremony, pinuri ni Domagoso ang dedikasyon at pagsisikap ng mga estudyanteng nanguna sa iba’t ibang licensure examinations.
Kabilang sa mga kinilala ang mga nagtapos mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, Philippine Normal University, at Polytechnic University of the Philippines na naging topnotchers sa kani-kanilang board examinations.
Ayon sa alkalde, ipinagmamalaki ng lungsod ang tagumpay ng mga bagong propesyonal na nagsisilbing inspirasyon sa kapwa kabataan at mga mag-aaral sa Maynila.
Nagpaabot din ng pagbati ang lokal na pamahalaan sa lahat ng board passers at topnotchers bilang pagkilala sa kanilang pagsusumikap at tagumpay sa larangan ng edukasyon. JAY Reyes