Pasay City — Naghain si Senador Mark Villar ng Senate Bill No. 2137, panukalang naglalayong itaas ang taunang income tax exemption ceiling mula ₱250,000 tungo sa ₱360,000 upang mabigyan ng karagdagang ginhawa ang mga manggagawang Pilipino at kanilang pamilya sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga indibidwal na kumikita ng hanggang ₱360,000 kada taon ay exempted sa pagbabayad ng income tax. Layunin nitong mapalaki ang take-home pay ng mga low- at middle-income earners upang mas magamit para sa pagkain, pamasahe, kuryente, edukasyon, kalusugan, at iba pang pangunahing pangangailangan. Nakapaloob din sa panukala ang pag-aayos ng graduated income tax brackets upang mas umayon ito sa kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya at epekto ng inflation.







