PAMPANGA, Philippines – Narekober na ng mga rescuer ang ikaapat na bangkay mula sa gumuhong siyam na palapag na gusali sa Angeles City habang nagpapatuloy ang search, rescue, at retrieval operations sa lugar.
Ayon sa mga awtoridad, patuloy pa ring naghahanap ng iba pang posibleng nakabaon sa ilalim ng makakapal na debris, bakal, at scaffolding matapos bumagsak ang under-construction na mixed-use building noong madaling araw ng Linggo.
Nauna nang kinumpirma ng mga opisyal na kabilang sa mga nasawi ang isang Malaysian national na tinamaan ng debris sa katabing apartelle. Ilan din sa mga nailigtas ay isinugod sa ospital dahil sa tinamong pinsala.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng pagguho ng gusali. Lumabas sa paunang ulat na ang proyekto ay may permit para sa siyam na palapag na condo-hotel, ngunit may ginagawa umanong ikasampung palapag para sa swimming pool.
Patuloy naman ang operasyon ng mga rescuer matapos may matukoy pang posibleng senyales ng buhay gamit ang thermal at heartbeat detection devices. RNT/MND