MANILA, Philippines – Ayon sa World Health Organization (WHO), mahigit 900 suspected Ebola cases na ang natukoy sa Democratic Republic of Congo (DRC) habang patuloy ang pagkalat ng outbreak sa gitna ng kaguluhan sa bansa.
Sa isang social media post, sinabi ni WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus: “As surveillance efforts have been scaled up in the #DRC #Ebola response, more than 900 suspected cases have been identified so far, including 101 confirmed cases.”
Walang ibinigay na update ang WHO tungkol sa bilang ng mga nasawi.
Nauna rito, iniulat ng health ministry ng DRC na may 204 na namatay mula sa 867 suspected cases sa tatlong probinsya.
Idineklara ang Ebola outbreak noong Mayo 15 na dulot ng Bundibugyo strain, isang uri na walang aprubadong bakuna o lunas.
Ayon sa WHO, Ebola ay isang nakamamatay na sakit na kumakalat sa pamamagitan ng direktang contact sa body fluids at maaaring magdulot ng matinding pagdurugo at organ failure.
Sa nakalipas na 50 taon, tinatayang mahigit 15,000 katao na ang namatay dahil sa Ebola sa Africa. RNT/MND