Home TOP STORIES Primewater-SJDM Water District GM, inireklamo sa Ombudsman

Primewater-SJDM Water District GM, inireklamo sa Ombudsman

37
0

MANILA, Philippines – Naghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang ilang residente ng San Jose del Monte, Bulacan laban kay San Jose Water District General Manager Loreto G. Limcolioc kaugnay ng umano’y mga isyu sa pamamahala at serbisyo ng tubig sa lungsod.

Ayon sa mga complainant, nais nilang papanagutin si Limcolioc dahil sa umano’y kakulangan ng malinis at sapat na suplay ng tubig na nararanasan ng ilang residente sa San Jose del Monte.

Kasabay nito, nananawagan din ang ilang residente para sa preventive suspension ng opisyal habang dinidinig ang reklamo.

Iginiit ng mga complainant na matagal na umanong problema sa kanilang lugar ang mahinang pressure, maruming tubig, at madalas na pagkawala ng suplay.

Sa reklamong inihain kay Ombudsman Jose Crispin Remulla, sinabi ng mga residente na nais nilang mabigyang-pansin ang umano’y mga isyu kaugnay ng pamamalakad sa water district at sa implementasyon ng Joint Venture Agreement sa PrimeWater na nagsimula noong 2018.

Batay umano sa mga dokumentong kalakip ng reklamo, kabilang ang isinagawang Audit Observations and Recommendations ng Commission on Audit (COA) noong 2024, may tinukoy na obligasyong pinansyal na umaabot sa ₱59,983,709 na umano’y dapat tugunan ng concessionaire.

Ayon sa ilang residenteng sumusuporta sa reklamo, patuloy umano nilang nararanasan ang kakulangan sa maayos na serbisyo ng tubig sa kabila ng naturang usapin. May ilan ding nagsabing naaapektuhan na umano ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, kabilang ang kalinisan sa tahanan at iba pang pangunahing pangangailangan.

Sinabi rin ng mga complainant na naapektuhan umano ang ilang paaralan, negosyo, at iba pang establisimyento dahil sa problema sa suplay ng tubig.

Iginiit pa ng mga naghain ng reklamo na dapat umanong imbestigahan ang mga alegasyon upang matukoy kung may pananagutan ang mga kinauukulan.

Sa kasalukuyan, wala pang pahayag ng kampo ni Limcolioc at ng PrimeWater kaugnay sa mga alegasyong ibinabato laban sa kanila. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here