Home METRO Barangay piyesta dinilig ng dugo, pulis, kapitan at 2 pa patay sa...

Barangay piyesta dinilig ng dugo, pulis, kapitan at 2 pa patay sa Isabela

41
0
Screenshot

ISABELA, Philippines – Dinilig ng dugo ang masaya sanang pagdiriwang ng kapiyestahan matapos pagbabarilin ang apat na katao kabilang ang barangay kapitan at isang pulis ang namatay habang apat ang nasugatan sa Brgy. San Rafael Abajo, Sto. Tomas, Isabela, dakong 7:50 kagabi (Mayo 24, 2026).

Kinilala ang nasawi na sina Barangay Chairman Jimmy Paeste Jr. y Lopez ng Brgy. Colonguan, PCpl Frederick A. Bautista ng Sto. Tomas MPS at residente ng Brgy. San Rafael Abajo, at Marlo Jaoquin Baui y Zipagam, 18-anyos. Patay rin sa lugar ang isang lalaking hindi pa nakikilala.

Habang ang mga sugatan ay sina PMSg Jayson M. Acierto ng Sto. Tomas MPS, Margie Bautista y Allaguigan, 37-anyos, at dalawang menor de edad na kinilala sa mga alyas na “Jay”, 17-anyos, at “Lar”, 17-anyos. Agad naman na dinala ang mga ito sa Milagros Albano District Hospital sa Cabagan, Isabela para sa lunas.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang pamamaril sa mismong harap ng bahay ni PCpl. Bautista habang dumadalo ang mga biktima sa selebrasyon.

Bigla na lamang umanong pinaputukan ng mga hindi pa nakikilalang armadong suspek ang kanilang mesa, na naging dahilan ng pagkasugat at pagkasawi ng mga biktima.

Agad naman na rumesponde ang mga patrollers ng Sto. Tomas MPS sa lugar ng insidente.

Sinimulan na rin ng mga duty investigator ang imbestigasyon, habang nakipag-ugnayan ang istasyon sa mga karatig na himpilan para sa dragnet operation at paglalagay ng checkpoints.

Nagpalabas na rin ng flash alarm sa lahat ng kalapit na police stations upang matunton ang mga suspek. Nakipag-ugnayan din ang pulisya sa Isabela Provincial Forensic Unit para sa crime scene processing at pangongolekta ng ebidensya.

Hanggang sa nagyon ay patuloy yang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakilanlan at motibo ng mga suspek. (REY VELASCO)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here