MANILA, Philippines – Hihilingin ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Philippine National Police (PNP) na kanselahin ang mga lisensya ng mga baril na nakarehistro kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, ayon sa ahensya nitong Lunes.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, si dela Rosa na may kinahaharap na warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) ay itinuturing nang “armed and dangerous” sa ilalim ng mga umiiral na protocol. Dagdag niya, may mahigit isang daang baril umano na nakarehistro sa pangalan ng senador, kabilang ang mga high-powered firearms, pistols, at shotgun.
Sinabi rin ng NBI na nakarehistro sa Davao ang mga naturang armas at plano nilang magpadala ng pormal na sulat sa PNP Firearms and Explosives Office para sa posibleng kanselasyon ng mga lisensya.
Ayon kay Matibag, ang pagmamay-ari ng baril ay isang pribilehiyo na maaaring bawiin ng pamahalaan, lalo na kung ang isang indibidwal ay itinuturing na “fugitive from justice.”
Dagdag pa ng NBI, nakikipag-ugnayan na sila sa PNP para sa patuloy na paghahanap at posibleng pag-aresto kay dela Rosa, alinsunod sa mga direktiba kaugnay ng ICC warrant.
Si dela Rosa ay kabilang sa mga personalidad na tinukoy bilang co-perpetrators sa kasong crimes against humanity na isinampa laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC kaugnay ng war on drugs. RNT/MND