Home NATIONWIDE Korupsiyon: Totoong rason sa pagsibak kay Iqbal sa gitna ng paninira sa...

Korupsiyon: Totoong rason sa pagsibak kay Iqbal sa gitna ng paninira sa BARMM sa RAGE Coalition rally 

23
0

COTABATO CITY — Nanindigan si Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua na ang pagsibak kay Education Minister Mohagher Iqbal mula sa interim regional government ay naaayon sa batas at nakabatay sa “pagkawala ng tiwala at kumpiyansa,” sa gitna ng mga batikos na ibinato sa May 23 rally ng RAGE Coalition sa Davao City na kumuwestiyon sa ligalidad at implikasyong pulitikal ng naturang hakbang.

Muling umigting ang usapin sa isinagawang pagtitipon ng oposisyon na dinaluhan ng mga tagasuporta at kaalyado ng Duterte political bloc, kung saan ilang tagapagsalita ang iniulat na naglarawan sa pagpapatalsik kay Iqbal bilang iregular at may motibong pulitikal, habang iniuugnay ito sa mas malawak na sentimyentong kontra-gobyerno laban sa administrasyong Marcos at kasalukuyang liderato ng BARMM.

Kabilang sa mga dumalo sa rally si Mayor Yasser Ebrahim, anak ni dating BARMM chief minister Murad Ebrahim.

Sa isang liham na may petsang Mayo 18, 2026 na naka-address kay Iqbal, mariing ipinagtanggol ni Macacua ang legalidad ng naturang hakbang, at iginiit na ang posisyon ng BARMM minister ay “nakadepende sa tiwala at kumpiyansa ng Chief Minister” kaya hindi ito protektado ng fixed tenure.

“Your office as Minister of the Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) is not a fixed-term position protected by tenure. It is co-terminous with the Chief Minister’s confidence,” nakasaad sa liham ni Macacua na nakuha ng  media.

Iginiit ni Macacua na ang pagtatapos ng termino ni Iqbal ay hindi isang disciplinary dismissal kundi isang “pagwawakas ng appointment ayon sa itinakda ng batas” matapos bawiin ng appointing authority ang tiwala at kumpiyansa rito.

Binanggit ng Chief Minister ang paunang findings ng Commission on Audit (COA) kaugnay  ng umano’y kuwestiyonableng mga transaksiyon sa loob ng education ministry, at sinabing ang mga isyung ito ay “nakasira sa reputasyon ng BARMM bilang isang institusyon.”

Ibinunyag pa niya na iniutos na niyang isumite sa Office of the Ombudsman ang pinal na findings ng COA upang mabigyang-daan ang posibleng pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo, habang binibigyang-diin na pagkakalooban pa rin si Iqbal ng due process sa anumang pormal na pagdinig o proseso.

Pinasubalian din ni Macacua ang mga akusasyong pinagkaitan si Iqbal ng due process, at ipinaliwanag na iba ang pagtatapos ng isang co-terminous appointment sa mga administrative removal proceedings na nagpapataw ng parusa o permanenteng diskuwalipikasyon sa paghawak ng posisyon sa gobyerno.

“The struggle for the Bangsamoro was never about protecting each other from accountability,” pagbibigay-diin sa liham ni Macacua. “It was about building a just government.”

Ibinunyag ng Chief Minister na bago pa man sumiklab ang kontrobersiya, hinikayat umano niya si Iqbal na kusang magbitiw sa puwesto upang mapangalagaan ang reputasyon nito at ang kredibilidad ng pamahalaang Bangsamoro sa gitna ng lumalalang kontrobersiyang kinasasangkutan ng MBHTE.

Ayon kay Macacua, kinonsulta rin hinggil sa usapin ang matataas na lider ng MILF, kabilang si Chairman Al-Haj Murad Ebrahim. Aniya, kabilang sa mga ikinabahala ang umano’y katiwalian sa ministry, kuwestiyonableng mga appointment, sinasabing iregularidad sa feeding programs, at ang napaulat na bentahan umano ng mga teacher item.

Sinabi ni Macacua na nagpadala rin sila ng mga emissary upang ihatid ang “pinal na mensahe” hinggil sa nalalapit na pagtatapos ng appointment ni Iqbal, ngunit tumanggi umano itong bumaba sa puwesto sa kabila ng nauna nitong pahiwatig na handa siyang magbitiw.

Ang kontrobersiya ay naging isang sensitibong usaping pulitikal sa panahon ng transisyon ng Bangsamoro, lalo na habang naghahanda ang BARMM para sa kauna-unahang parliamentary elections ng rehiyon na nakatakda sa Setyembre 14, 2026 — isang mahalagang bahagi ng peace track ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB.

Ayon sa mga observer ng BARMM, bagama’t ginagamit ng mga grupong oposisyon at mga puwersang kontra-gobyerno ang isyu upang atakihin ang kasalukuyang liderato ng Bangsamoro, tila determinado naman ang administrasyong Marcos na ilarawan ang pagtanggal bilang bahagi ng mas malawak na pagsisikap na palakasin ang pananagutan at kredibilidad ng mga institusyon sa loob ng autonomous regional government.

Iginiit din nila na ang hindi maresolbang mga alegasyon ng katiwalian sa loob ng mahahalagang institusyon at departamento ng BARMM ay maaaring makasira sa tiwala ng publiko sa peace process kung hindi ito agarang matutugunan bago ang parliamentary polls.

Sa kabila ng ingay pulitikal na nalikha sa rally sa Davao City, iginiit ng kampo ni Macacua na ang usapin ay nakatuon sa pamamahala at pananagutan, at hindi sa pulitikal na pag-uusig. Anila, mahalagang mapanatili ang kumpiyansa ng publiko sa mga institusyon ng Bangsamoro upang mapangalagaan ang mga tagum. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here