MANILA, Philippines – Sinabi ng Office of the Ombudsman na naghahanda ito ng dalawang kaso laban kay dating House Speaker Martin Romualdez, kabilang ang tinaguriang “grandest” case kaugnay ng umano’y sabwatan para dayain ang national treasury.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla noong Martes, isa sa mga kasong inihahanda ay money laundering case, habang ang isa ay tinukoy niyang “grandest” case na may kinalaman sa conspiracy to defraud government funds.
“Nandyan na yan. Meron kaming dalawa pang kaso na hinahanda tungkol diyan. Meron kaming isa pang money laundering case at of course, the grandest case of them all, ang pinakamabigat na kaso diyan, yung conspiracy to defraud the treasury,” ani Remulla.
Dagdag niya, maingat pa ang pagbuo ng mga kaso at posibleng ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng bansa na ihahain ang ganitong uri ng kaso.
“Hindi madaling ilatag iyan. We’re being very careful about every premise that we make kasi first time ito gagawin sa kasaysayan ng Pilipinas na magkakaroon tayo ng ganitong klaseng kaso,” aniya.
Kinasasangkutan si Romualdez sa mga alegasyon ng ilang mambabatas na siya umano ang nasa likod ng budget insertions na kaugnay ng multi-bilyong pisong flood control scandal. Mariin niya itong itinanggi at sinabing hindi niya hahayaan na siya ay gawing “scapegoat.”
Ayon kay Remulla, nahihirapan ang imbestigasyon dahil sa umano’y pagtanggi ng House Committee on Appropriations secretariat na makipagtulungan at sumunod sa subpoena ng Ombudsman.
“We are trying to get to the bottom of the (budget) insertions, but that’s been a little difficult… they are not obeying our subpoena as we have sent it to them. They even refuse to accept the subpoena. Of course, we can always issue preventive suspensions if we have to,” aniya.
Tinalakay rin ng Ombudsman ang iba pang kaso, kabilang ang halos tapos nang plunder case laban kay Sen. Joel Villanueva at ang nakatakdang paghahain ng plunder case laban kay Sen. Jinggoy Estrada.
Binigyang-diin din ni Remulla ang sagot niya sa pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta, na aniya ay nakabatay sa mga ebidensyang nagmula mismo sa mga deklarasyon nito.
“I do not want to get into the political mix of it kasi ito napakalinaw ng kaso niya… lahat ng ebidensya nito galing sa kanya [Marcoleta] sa sinasabi niya sa Comelec sa mga kanyang pag-amin. Di naman ito imbento,” aniya.
Humiling din ang Ombudsman ng precautionary hold departure order laban kay Marcoleta at sa ilang umano’y campaign donors, kabilang si dating Quezon City Rep. Michael Defensor.
Samantala, sinabi ni Remulla na “na-alarm” siya sa patuloy na panunungkulan ni Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca kahit may umiiral na preventive suspension kaugnay ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13. Sinulatan na rin niya si Senate President Alan Peter Cayetano para ipatupad ang kautusan. Santi Celario